May 18, 2024

Nakitulog sa bahay ng kaibigan ‘KOLEHIYALA MINOLESTIYA NG FACTORY WORKER’

Shoot sa kulungan ang isang factory worker matapos ireklamo ng pangmomolestiya sa isang collage student na dalaga sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong suspek na si Jhon Mark Pascual, 24 ng Block 18, Lot 9, Phase 1-8, Brgy. NBBS, Kaunlaran ng lungsod na nahaharap sa kasong Acts of  Lasciviousness.

 Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl Rina Bugayong, habang natutulog ang biktimang itinago sa pangalang “Lily”, 21, 3rd year collage student, sa bahay ng kanyang kaibigan sa No.369 Daisy St., Brgy. NBBS Proper dakong alas-7 ng umaga nang bigla na lamang niyang naramdaman na may humahaplos sa kanyang hita.

Nang magising ang biktima, nakita niya ang suspek na lango sa alak at nakangiti sa kanya subalit, wala siyang nagawa dahil sa labis na takot.

 Nang makauwi, sinabi ng biktima sa kanyang kapatid na lalaki ang nangyari na naging dahilan upang humingi sila ng tulong sa mga tanod ng barangay NBBS, Proper na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. (JUVY LUCERO)