Muling pinagtibay ng MPower, ang retail electricity arm ng Manila Electric Company (Meralco) na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan, ang pakikipagkasundo nito sa Okada Manila, isa sa nangungunang integrated resorts sa bansa.
Pormal na nilagdaan ang kasunduan sa isang seremonya sa Okada Manila, Parañaque City bilang pagpapatunay sa kanilang layunin na isulong ang operational excellence at sustainability.
Sa ilalim ng kasunduan, matitiyak na patuloy na makikinabang ang 30-ektaryang pasilidad ng Okada Manila, na kinabibilangan ng mga luxury hotel suites, world-class entertainment venues, at malalaking gaming floors, mula sa maaasahan at flexible na energy solutions ng MPower.
“Napakahalaga ng maaasahan at sustainable na enerhiya upang maihatid ang seamless, five-star experience na inaasahan ng aming mga bisita sa Okada Manila. Ang MPower ay matagal nang naging katuwang upang makamit ang operational efficiency at environmental responsibility,” pahayag ni Byron Yip, Pangulo at Chief Operating Officer ng Okada Manila.
Unang nakipag-ugnayan ang Okada Manila sa MPower noong 2020. Mula noon, lalo pang lumago ang kanilang partnership upang matugunan ang tumataas na demand sa kuryente at nakaayon sa layunin ng resort na magbigay ng world-class leisure experience.
Binigyang-diin naman ng MPower ang kanilang dedikasyon na magbigay ng cost-competitive supply at makabagong energy solutions upang tulungan ang mga negosyo na lumipat sa mas episyente at environment-friendly na operasyon.
“Pinupuri ko ang Okada Manila sa kanilang inisyatiba na lumipat sa mas bukas at kompetitibong merkado, at sa kanilang pagsusulong ng sustainability journey. Ipinagmamalaki ng MPower na maging katuwang sa pagpapalago ng hospitality industry, at patunay ang partnership na ito kung paanong ang kolaborasyon ay maaaring maghatid ng parehong economic growth at environmental stewardship,” ani Redel M. Domingo, Head ng MPower.
Itinatampok ng muling pag-renew ng kasunduang ito ang mahalagang ugnayan ng sektor ng enerhiya at industriya ng hospitality sa pagtataguyod ng paglago ng ekonomiya at pagpapanatili ng responsableng paggamit ng likas na yaman.
