Pormal na binuksan nitong Setyembre 3 ang 2025 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) sa Eastern Visayas, na ginanap sa Summit Hotel at sinabayan ng exhibits at aktibidad sa Robinsons Mall, Marasbaras.
Pinangunahan ng Department of Science and Technology (DOST) Region VIII, layunin ng RSTW na ipakita kung paano makatutulong ang agham, teknolohiya, at inobasyon (STI) sa pagbuo ng mas matatalino at mas napapanatiling komunidad sa rehiyon.
Kasabay ng pagbubukas ang GeoRisk PH Summit, tampok ang paglagda ng memorandum of agreement para sa regional rollout ng GeoRisk Philippines Integrated Platform, isang digital hub para sa hazard assessments, mapping tools, at real-time analytics na susuporta sa disaster risk reduction, evidence-based planning, at policy-making ng mga lokal na pamahalaan.
Sa kanyang keynote message, binigyang-diin ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. ang kahalagahan ng STI upang mapaigting ang resiliency at inclusive development.
Ayon sa kanya, sa pamamagitan ng matibay na ugnayan ng pamahalaan, pribadong sektor, at komunidad, maisasakatuparan ang hinaharap na hindi gaanong mapaminsala ang mga kalamidad, malawakang magagamit ang renewable energy, makakaangkop ang agrikultura sa climate change, at magiging abot ang pag-unlad kahit sa kanayunan.
Bitbit ang pambansang tema na “Siyensiya, Teknolohiya at Inobasyon: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa at Panatag na Kinabukasan” at rehiyonal na temang “Building Smart and Sustainable Communities,” tampok sa RSTW 2025 ang mga forum, interactive exhibits, at technology demonstrations mula sa DOST at mga katuwang na institusyon.
Isa sa mga pangunahing tampok ang 2025 STI Awards, na kumilala sa mga natatanging benepisyaryo ng mga programang gaya ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP), Community Empowerment thru Science and Technology (CEST), at Grants-in-Aid (GIA).
Kabilang sa mga pinarangalan ang mga negosyanteng lumikha ng natatanging produkto at mga samahan ng magsasaka na gumagamit ng makabagong teknolohiya.
Ayon kay Secretary Solidum, patunay ang mga awardees na ang agham ay hindi lamang para sa aklat o laboratoryo kundi para sa mga buhay na natutulungan, kabuhayang napauunlad, at kinabukasang natitiyak.
Itinampok din ang lagdaan ng kasunduan sa pagitan ng DOST-Philippine Textile Research Institute (PTRI), DOST Region VIII, at LGU Bobon, Northern Samar, na naglalayong paghusayin ang fiber extraction technologies mula sa abaca at pinya.
Layunin nito na gawing sustainable raw materials ang agricultural by-products para sa textile industry, habang nagbibigay ng dagdag na kabuhayan sa mga lokal na komunidad.
Tatagal hanggang Setyembre 5, ang RSTW 2025 ay nagsisilbing patunay na ang agham at teknolohiya ay mahalagang sandigan sa pagbubuo ng mga komunidad na matatag, handa sa hinaharap, at inklusibo. (MINA PADERNA)
