UPANG matiyak ang ligtas, maginhawa, at accessible na biyahe ng mga commuters, pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ng Marikina City at ng Department of Transportation (DOTr) ang dalawang bagong Public Utility Vehicle (PUV) Stops nitong Martes, Oktubre 7, 2025.
Ayon kay Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, layunin ng proyekto na magbigay ng maayos at sistematikong lugar para sa mga Marikeño habang naghihintay ng masasakyan.
“We have closely coordinated with the Department of Transportation (DOTr) to make this project possible. Our goal is to provide Marikina commuters with safe, convenient, and accessible PUV stops for their daily travels,” pahayag ni Teodoro.
Sa kabuuan, anim na PUV Stops ang itinayo ng DOTr sa Metro Manila at dalawa rito ay nasa Marikina City. Isa ang matatagpuan sa tapat ng Concepcion Elementary School, at isa pa malapit sa San Roque Elementary School.
“We are very lucky, from the citizens of Marikina, to be one of the LGUs na makatanggap nito. Actually, Marikina is very lucky dahil 2 sa 6 na transport stations ay dito sa Marikina nilagay. This is very sustainable and in line with our program,” dagdag ng alkalde.
Ang mga bagong PUV Stops ay idinisenyo upang maging ligtas, inklusibo, at eco-friendly, tampok ang mga upuan para sa mga senior citizens, buntis, at PWDs, pati na CCTV cameras, lighting system, solar panels, at bike repair stations.
Mayroon din itong PWD-friendly ramps, tactile pavers para sa mga may kapansanan sa paningin, at charging stations para sa commuters.
Nagpasalamat din si Mayor Teodoro kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at DOTr Secretary Giovanni Lopez sa pagdadala ng proyekto sa lungsod.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa Pangulo at sa DOTr sa pagtulong sa aming mga Marikeño. Malaking tulong ito para sa mas ligtas at organisadong biyahe ng ating mga kababayan,” wika ng alkalde.
Samantala, sinabi ni DOTr Secretary Giovanni Lopez na naisakatuparan ang proyekto dahil sa aktibong pakikipag-ugnayan ng Marikina LGU.
“Magagawa lang po namin [ang proyektong] ito sa malapit na pakikipagugnayan sa local government unit sa pangunguna ni Mayor Maan. Talaga pong nag-request siya ng ganito para sa kanyang mga constituents,” ayon kay Lopez.
Tiniyak ng DOTr at LGU ng Marikina na ang mga bagong PUV Stops ay magiging modelo ng modern, green, at commuter-friendly infrastructure na maaaring sundan ng ibang lungsod sa Metro Manila. (ARNOLD PAJARON JR)
