Upang maibsan ang taunang matinding trapiko tuwing Kapaskuhan, hiniling ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga mall owner sa Metro Manila na iwasan muna ang pagdaraos ng mall-wide sales ngayong holiday season.
Ito ang sinabi ni MMDA Chairperson Don Artes sa isang press briefing sa Malacañang nitong Miyerkoles, matapos tanungin hinggil sa mga hakbang ng ahensiya para tugunan ang biglaang pagbigat ng trapiko, partikular sa Marcos Highway kung saan naipit sa mala-gridlock na sitwasyon ang mga motoristang dumaraan sa Marikina, Pasig, Cainta, at Antipolo noong Sabado.
Ayon kay Artes, nakipag-ugnayan na sila sa mga lokal na pamahalaan upang idiin na ang sabay-sabay na paglabas ng mga mamimili kapag nagsasara ang mall-wide sales ay nagdudulot ng biglaang dagsa ng sasakyan sa pangunahing kalsada.
“Hindi po namin sinisisi ang mall owners. Ang pakiusap lang namin, kung maaari, iwasan muna ang mall-wide sales dahil talagang nagpapabigat ito ng trapiko—gaya ng naranasan natin noong Sabado,” pahayag ni Artes.
Nilinaw ng MMDA chief na hindi ipinagbabawal ang regular na sale ng mga individual stores; ang tanging hinihiling lamang ng ahensiya ay huwag munang magsagawa ng mall-wide sales kung saan sabay-sabay may promos ang lahat ng tindahan.
“Hindi naman po ito pagharang sa kalakalan,” dagdag niya.
Taun-taon, lalo na tuwing Disyembre, ay sumasadsad ang trapiko sa Metro Manila at kalapit-probinsya dahil sa dagsa ng mga mamimili, partygoers, at mga nagbibiyahe para sa holiday gatherings.
Kaugnay nito, ipinatupad na noong Nobyembre 17 ang adjusted mall hours upang mapagaan ang daloy ng trapiko. Bubukas ang mga mall sa NCR mula 11 a.m. hanggang 11 p.m. hanggang Disyembre 25, maliban sa weekends at holidays. Sa ngayon, nililimitahan na lamang sa weekends ang pagdaraos ng mall-wide sales.
