Inihain nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at presidential son Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos ang anti-dynasty bill na naglalayong pigilan ang “familial concentrations of political power” o sobra-sobrang pag-ipon ng kapangyarihang pampulitika sa loob ng iisang pamilya.
Ang “Anti-Political Dynasty Act” o House Bill 6771 ay pormal na inihain nitong Miyerkoles, Disyembre 10, matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong nakaraan ang suporta sa nasabing panukala na taliwas sa nauna niyang posisyon noong kampanya.
Ayon kina Dy at Marcos, na kapwa may maraming kaanak na nakaupo sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno, nakasandig ang panukala sa prinsipyo ng “fairness, equal opportunity, at tunay na paglilingkod-bayan.” Sa kanilang paliwanag, itinuturing nila ang hakbang bilang isang “mahalagang yugto para sa mas inklusibo at mas accountable na sistemang politikal.”
Matatandaang hiniling ng Pangulo sa Kongreso na bigyang-prayoridad ang batas na magbabawal sa mga kandidatong may malalapit na kaanak sa kapangyarihang pampolitika mula sa pagtakbo o paghawak ng posisyon.
Noong 2011, unang itinulak ni dating Sen. Miriam Defensor Santiago ang anti-dynasty bill, ngunit hindi ito umusad dahil sa dominasyon ng mga political clan—maging sa party-list system.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na nagbago ang kanyang pananaw mula 2022 dahil sa “nag-iibang klima ng pulitika” na nagbubunsod umano ng pang-aabuso sa kapangyarihan. Kailangan aniya ng botante ng mas malawak na pagpipilian para mapigilan ang korapsyon.
Tinutukoy ng HB 6771 ang political dynasty bilang “concentration and dominance of elective political power by persons related to one another.”
Saklaw nito ang mga sumusunod na relasyon sa isang incumbent na halal na opisyal gaya ng asawa,
Asawa
Diretsong ascendant o descendant
Kapatid
Mga kamag-anak hanggang ikaapat na antas ng consanguinity o affinity (kabilang ang first cousins at kanilang in-laws)
Kasama rin ang “illegitimate” at “half-blood” relatives.
Sakop ng pagbabawal ang lahat ng elective positions, mula presidente at senador hanggang sa punong barangay at kagawad.
Ayon sa panukala, ang mga tatakbong kandidato ay obligado ring magsumite ng pahayag sa Commission on Elections (Comelec) na wala silang relasyon na sakop ng political dynasty definition. Ang sino mang lumabag ay madi-disqualify at hindi bibilangin ang boto, at hindi rin maipo-proklama.
Ipapatupad ang batas 90 araw matapos maging epektibo.
Hindi naman nilinaw sa panukala kung ano ang mangyayari sa mga kasalukuyang opisyal na kabilang din sa political clans—kabilang sina Dy at Marcos—kapag naisabatas na ito.
Si Rep. Sandro Marcos ay may mga kamag-anak na nasa mataas na posisyon kabilang sina Sen. Imee Marcos, Leyte Rep. Martin Romualdez, at Ilocos Norte Gov. Matthew Marcos Manotoc. Samantala, ang mga anak ni Dy ay nakaupo rin bilang vice governor ng Isabela at mayor ng Echague, bukod sa iba pang kamag-anak na nasa Kongreso.
