Isang 18-anyos na massage therapist ang nasawi matapos umano siyang sakalin hanggang mamatay ng kanyang dating kasintahan sa loob ng isang inn sa lungsod.
Ayon sa ulat, natagpuan ang biktima na nakahandusay at walang malay sa loob ng comfort room ng inn noong Disyembre 9. Isinugod pa siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa pulisya, ang cashier ng inn ang agad na nag-report sa mga awtoridad. Sa CCTV footage, nakita ang biktima na kasama ang 23-anyos na suspek.
“Makikita sa footage na dumating ang suspek 10:15 p.m. at pumasok sa kwarto 10:21 p.m. Dumating naman ang biktima 10:33 p.m. Pagdating ng 10:56 p.m., lumabas na ang lalaki sa kwarto,” pahayag ni Roxas City Police chief P/Lt. Col. Ricardo Jomuad Jr.
Sa tulong ng Aviation Security Group, agad na naaresto ng Roxas City Police ang suspek.
Inamin ng suspek na sinakal niya ang biktima at matagal na niyang planong patayin ito. Gumamit pa umano siya ng dummy account online para makapagpanggap na kliyente at makipagkita para sa isang massage session.
Ayon sa imbestigasyon, matindi ang sama ng loob ng suspek dahil hindi niya matanggap ang kanilang hiwalayan matapos ang tatlong taon na relasyon.
“Wala itong kinalaman sa selos. Ito ay matinding hinanakit na hindi niya matanggap ang kanilang paghihiwalay. Ayon sa manager, nagkuwento pa ang biktima tungkol sa natatanggap niyang banta,” ani Jomuad.
Dagdag pa ng pulisya, uminom umano ng lason ang suspek matapos gawin ang krimen. Nasa ilalim siya ngayon ng hospital arrest.
Isasailalim din sa autopsy ang bangkay ng biktima upang alamin kung nilason din siya, matapos makarekober ang pulisya ng black powder sa crime scene.
Bukas naman ang pamilya ng biktima sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek.
