Hindi na lamang sa kalsada tututok ang No Contact Apprehension Policy (NCAP), kundi maging sa mga residenteng iresponsable sa pagtatapon ng basura ayon sa anunsyo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre II nitong Miyerkules, April 22, 2026.
Ipinaliwanag ni Torre na gagamitin ng ahensya ang mga closed-circuit television (CCTV) cameras sa buong Metro Manila upang masawata ang “cat-and-mouse” na sitwasyon sa pagtatapon ng basura kung saan sumusunod lamang ang mga tao kapag may nakatinging awtoridad.
Sa ilalim ng bagong prosesong ito, rerepasuhin ng mga CCTV ang mga footage sa mga pampublikong lugar at kapag nahuli sa camera ang isang indibidwal na nagtatapon ng basura sa maling lugar ay kukunin ang larawan nito upang ipadala sa kaukulang barangay para sa pormal na pagkilala.
Binigyang-diin ni Torre sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum na, “Malalaman namin kung sino ka, at ipapadala namin ito sa iyong barangay para matukoy ka at masampahan ng kaso.”
Mayroong 450 CCTV cameras na nakakalat sa Metro Manila ang nakaprogramang mag-flash kapag naka-detect ng iligal na pagtatapon ng basura kung saan ang mga opisyal ng barangay ang tutukoy sa pagkakakilanlan ng taong nasa larawan.
Bilang bahagi ng due process, bibigyan ng pagkakataon ang lumabag na magpaliwanag ngunit ayon sa babala ni Torre, “If you did not explain, and your explanation is not satisfactory, we will issue a ticket. If you are issued a ticket, you have to pay a fine.”
Dagdag pa niya, kapag tumanggi ang isang indibidwal na bayaran ang multa ay pormal na kaso ang isasampa kung saan, “you will need to contact a lawyer because once a warrant is issued, you will undergo trial.”
Nilinaw rin ni Torre na hindi na maglalabas ng babala o warning ang MMDA sa mga lalabag at opisyal na itong ipatutupad sa oras na ilunsad ang polisiya sa command center kasama ang mga miyembro ng media.
Matatandaang muling ibinalik ng MMDA ang NCAP noong nakaraang taon matapos bawiin ng Korte Suprema ang Temporary Restraining Order laban dito na kasalukuyang ginagamit sa paghuli ng mga traffic violators sa mga pangunahing kalsada.
Dahil dito, pinayuhan ng MMDA ang publiko na sumunod sa mga ordinansa ng lungsod hinggil sa tamang pagtatapon ng basura upang maiwasan ang anumang abala at usaping legal. (MINA PADERNA)
