INILABAS na ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang ikalawang yugto ng tulong pinansyal sa ilalim ng 2026 Malabon Hour Blue Card (MABC) Program para sa 93,727 households Malabueño na magbibigay sa kanila ng kaluwagan sa gitna ng patuloy na mga hamon.
“Ito po ang panahon para magtulungan upang masiguro ang kapakanan ng bawat tahanan. Sa pamamagitan ng Malabon Ahon Blue Card, nailalapit natin ang serbisyo at tulong sa mga komunidad, lalo na sa higit na nangangailangan. Ang pag-release ng ikalawang ayuda ay isa sa ating mga inisyatibo upang matugunan ang mga agarang pangangailangan sa kabila ng krisis na ating pinagdaraanan. Naririto lamang po ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon para sa inyo,” ani Mayor Jeannie Sandoval.
Ayon sa alkalde, ang pagpapalabas ng MABC cash aid ay kasabay din ng Tambobong Festival 2026, na isang buwang pagdiriwang ng Malabon’s 25th Cityhood Anniversary at 427th Founding Anniversary mula Abril 21 hanggang Mayo 21, na nagpapaalala sa mga residente ng diwa ng “Bayanihan,”.
Ang mga benepisyaryo ay maaaring mag-claim ng kanilang cash assistance sa alinmang BancNet-powered ATMs o Universal Storefront Services Corporation (USSC) branches simula Abril 21, 8:00 ng umaga hanggang Mayo 21, 11:59 ng gabi.
Ang kwalipikadong households ay makakatanggap ng mensahe mula sa USSC sa sandaling makuha ang tulong pinansyal. Maaari din nilang tingnan ang listahan ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng link na naka-post sa Malabon Ahon Blue Card Facebook page.
Bukod sa quarterly financial aid, pinalawak din ng pamahalaang lungsod ang MABC, kabilang ang Burial and Hospitalization Assistance, Eskwela Savings Project at MABC for Working Students; at ang MABC para sa Kababaihan, na nagbibigay ng mga oportunidad sa kabuhayan para sa mga single mother.
Ibinahagi rin ni Mayor Jeannie na kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa iba’t ibang restaurant, fast-food chain, drugstores, at iba pang partner establishments para palawigin ang posibleng diskwento sa mga residente gamit ang kanilang MABC para sa pagbili ng mga produkto at serbisyo.
“Ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng lungsod na palakasin ang kakayahan ng bawat pamilya na makabangon at maging mas matatag. Sa pamamagitan ng maayos na implementasyon at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor, tinitiyak natin na ang tulong ay napupunta sa tamang benepisyaryo sa tamang panahon,” pahayag naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (JUVY LUCERO)
