Photo Credit: Jodi Sta Maria/FB
Isang hindi inaasahang “bonus” ang naranasan ng award-winning actress na si Jodi Sta. Maria sa gitna ng kanyang preparasyon para sa pelikulang ‘Midnight Girls’—ang kumita ng aktwal na pera habang sumasailalim sa immersion sa Japan.
Kasama ang kanyang mga co-stars na sina Sanya Lopez, Jane Oineza, at Loisa Andalio, sumabak ang aktres sa isang makatotohanang pagsasanay upang epektibong gampanan ang papel ng mga Pinay entertainers o mas kilala bilang “Japayuki.”
Ibinahagi ni Jodi sa ginanap na advance screening at mediacon ng pelikula na nagtrabaho sila ng tatlong gabi sa isang “omise” o bar sa Japan. Ang twist: walang kamalay-malay ang mga Japanese clients na mga sikat na aktres ang kanilang kaharap.
“Walang nakakaalam sa mga Japanese clients… ang alam lang nila, mga bagong salta na babae,” kwento ni Jodi.
Dinaanan nila ang tunay na proseso ng mga entertainer: ang pumila upang mapili ng kustomer, makipag-usap, at mag-perform kapag hilingin. Ayon kay Jodi, kailangan nilang sumunod kung ipapakanta o papasayawin sila sa table.
Isa sa mga pinakatumatak na karanasan ng aktres ay ang pagtanggap ng “tips” mula sa mga kustomer habang nagtatanghal sa entablado.
“Du’n namin na-experience na ‘yung mga chopsticks, sinisingit nila… parang tip,” pag-alala ni Jodi habang tumatawa. Dahil sa mga nakuhang tip, biro niya ay isang buwan siyang hindi gumastos sa Japan at kumita pa sa kanyang paglagi roon.
Bukod sa immersion, inamin ni Jodi na kinabahan siya sa mga dance sequences ng pelikula. Pabiro niyang sinabi na kinailangan niyang ilabas ang kanyang “inner SexBomb dancer” upang maging kapani-paniwala ang kanyang pagganap.
Gagampanan ni Jodi ang karakter ni Vicky, ang tumatayong “ate” ng grupo na matatag sa kabila ng bitbit na emosyonal na pasanin. Ang ‘Midnight Girls’ ay sa direksyon ni Irene Emma Villamor at kinunan nang buo sa Nagoya, Japan.
Layunin ng pelikula na ipakita ang realidad, pagkakaibigan, at pakikipagsapalaran ng mga Pilipinang entertainer sa ibang bansa. Kasama rin sa cast sina Carmi Martin, Zaijian Jaranilla, at Miggy Jimenez.
Mapapanood ang ‘Midnight Girls’ sa mga sinehan nationwide simula Mayo 13.
