Pinag-aaralan ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at University of the Philippines (UP) ang 39 na iminumungkahing flood detention basins sa ilalim ng Oplan Kontra Baha program ng pamahalaan upang tiyaking magiging epektibo ang mga ito bago maglabas ng pondo ang gobyerno.
Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes, natukoy ang 39 na lokasyon sa pamamagitan ng feasibility study na pinondohan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Samantala, nagsumite rin ang UP Resilience Institute at Nationwide Operational Assessment of Hazards (UP NOAH) Center ng higit 150 potential sites sa Quezon City pa lamang.
“Hindi basta-basta maglalagay ng detention basin sa kung saan-saan. Pinag-aaralan po iyon. Bago tayo mag-invest o gumastos ng isang piso ay alam na natin kung magiging epektibo siya o hindi,” pahayag ni Artes kasunod ng paglagda sa memorandum of understanding sa pagitan ng MMDA at UP.
Ang detention basins ay ginagamit upang pansamantalang ipunin ang labis na tubig-ulan at unti-unting i-release para hindi ma-overwhelm ang mga drainage system, estero, at ilog tuwing may malakas na buhos ng ulan.
“Instead na maging run off water, maging baha, temporarily i-catch natin yung tubig, i-delay natin yung papunta sa mga major waterways para po hindi ma-overwhelm yung ating mga drainage, yung atin pong mga esteros, canals, at ilog,” dagdag pa ni Artes.
Ibinahagi naman ni UP Resilience Institute Executive Director Alfredo Mahar Lagmay na makatutulong ang historical maps upang matukoy ang mga lumang ilog at estero na natabunan na dahil sa urbanisasyon sa Metro Manila.
Binanggit din ni Lagmay ang panukala ng pamantasan na maglagay ng detention basins sa ilalim ng mga basketball court sa Quezon City at gagamitin ang mga open spaces bilang temporary water-storage areas upang mabawasan ang pagbaha sa mga downstream areas tulad ng Caloocan, Valenzuela, Malabon, Navotas, San Juan, at Maynila.
Ayon kay UP President Angelo Jimenez, magbibigay ang kasunduan ng framework para sa research, technical assistance, at knowledge-sharing para sa flood mitigation.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Jimenez na walang solong solusyon ang makalulutas sa problema ng baha, lalo’t matatandaang umabot sa 9.6 milyong katao sa Metro Manila, Calabarzon, at Visayas ang naapektuhan ng malalakas na bagyo at habagat noong Agosto na nagdulot ng 44 causalities, higit P8 bilyong pinsala sa imprastraktura, at leptospirosis outbreak noong Setyembre. (ART TORRES)
