Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Bureau of Corrections (BuCor), 43 persons deprived of liberty (PDLs) ang opisyal nang nakalaya sa ilalim ng bagong “Bilis Laya” program.
Layunin ng nasabing inisyatibo na pabilisin ang evaluation at pagpoproseso ng mga kaso at dokumento ng mga kwalipikadong PDL.
Tinitiyak nito na ang mga may karapatan nang lumaya ay hindi na magdudusa pa sa anumang hindi kinakailangang delay.
Lumahok sa programa ang higit 200 abogado na nagbigay ng libreng legal assistance at nagsuri sa mga record at kaso ng mga PDL. Dahil sa kanilang tulong at koordinasyon, natapos ng BuCor ang buong assessment at release process para sa 43 beneficiaries sa loob lamang ng iisang araw.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., itinuturing itong “unprecedented” o walang katulad sa kasaysayan ng bureau, na naisakatuparan sa tulong ng mga volunteer lawyer at sa suporta ni First Lady Louise Araneta-Marcos.
Inilarawan din ni Catapang ang milestone na ito bilang isang malaking hakbang tungo sa mas mabilis na pagkamit ng hustisya at mas maayos na correctional services sa bansa.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan, mga legal professional, at iba pang stakeholders para matugunan ang mga suliranin ng mga nakakulong.
Inaasahang magpapatuloy ang Bilis Laya program para maalalayan pa ang ibang mga kwalipikadong PDL. Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, layunin ng BuCor na igalang ang karapatan ng mga PDL habang tinitiyak na ang bawat pagpapalaya ay alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon. (MINA PADERNA)
