May 17, 2024

Mister tinubo sa ulo ng kapitbahay

SUGATAN ang isang 45-anyos na mister matapos hatawin sa ulo kanyang kapitbahay gamit ang isang steel pipe makaraan ang pagtatalo sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Isinugod sa Valenzuela Medical Center ng mga tauhan ng Malabon Police Sub Station 1 ang biktimang si Jojit Castro, 45 ng 67 Orange Rd, Brgy. Potrero subalit, matapos magamot ang tinamong sugat sa ulo ay pinayagan na itong umuwi ng kanyang attending physician.

Pinaghahanap naman ngayon ng mga pulis ang suspek na si Nicanor Mercado, 54, kapitbahay ng biktima na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa report nina police investigators PSSg Ernie Baroy at PCpl Renz Marlon Baniqued sa bagong upong hepe ng Malabon Police na si P/Col. Angela Rejano, 6:30 ng gabi, lumabas ng kanilang Compound ang biktima upang bumili ng pagkain nang komprontahin ito ng suspek.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa maglabas ng steel pipe ang suspek at hinataw sa ulo ang biktima bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon.