
Malugod na tinanggap ng ilang senador ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipagpaliban ang nakatakdang rehabilitasyon ng EDSA, ang isa sa pinakaabala at pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ngayong Linggo, Hunyo 1, iniutos ng Pangulo ang suspensyon ng EDSA rehabilitation project na nakatakda sanang magsimula sa Hunyo 13.
Ayon kay Senator JV Ejercito, na una nang nanawagan ng economic impact assessment para sa proyekto, tama lang ang naging hakbang ng Pangulo.
“Masaya tayo na inurong muna ng Pangulo ang EDSA rehab. Kailangan muna natin ng masusing pagsusuri sa benepisyong pang-ekonomiya nito,” ani Ejercito sa isang pahayag.
Ibinahagi rin niya ang babala mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) na umaabot na sa ₱3.5 bilyon kada araw ang nawawala sa ekonomiya dahil sa trapiko—at maaari pa itong tumaas sa ₱5.4 bilyon pagdating ng 2035 kung walang gagawing epektibong solusyon.
Iginiit ni Ejercito na mas makabubuting unahin ang pagpapatapos ng mga proyektong riles gaya ng North-South Commuter Railway at Metro Manila Subway, bago isakatuparan ang malawakang pagkukumpuni sa EDSA.
“Kung itutuloy ang EDSA rehab nang wala pang alternatibong transportasyon, tiyak na babagsak ang EDSA Carousel at lalong maghihirap ang commuters. Ang kailangan natin: tren, hindi trapik.”
Nagpahayag din ng suporta si Senator Grace Poe, dating chairperson ng Senate Committee on Public Services, sa naging hakbang ng Pangulo.
“Pinupuri natin si Pangulong Marcos sa kanyang desisyong makinig sa katuwiran. Kung walang sapat na paghahanda, posibleng maging sakuna ang pagsasara ng bahagi ng EDSA,” ani Poe.
Nanawagan siya sa mga ahensya na magkaroon ng detalyado at epektibong traffic management plan, gayundin ng mas malawakang konsultasyon sa publiko.
Iminungkahi rin ni Poe ang paghahati ng proyekto sa phases at pagpapatupad ng 24/7 construction schedule upang mapabilis ang rehabilitasyon.
Samantala, sinabi naman ni Senator Joel Villanueva na ang desisyong ito ay dapat samantalahin upang makapaglatag ng mas inclusive na solusyon.
“Makabubuting magkaroon ng malawakang konsultasyon para maibsan ang epekto sa mga sektor na maaapektuhan,” ani Villanueva.
Hinikayat niya ang DOTr, DPWH, MMDA, at iba pang ahensya na gumamit ng makabagong teknolohiya upang mapabilis ang proyekto at matapos ito sa loob ng anim na buwan sa halip na 2–3 taon.
Bilang may-akda ng Telecommuting Act, ipinanawagan din niya sa gobyerno at pribadong sektor ang pagtutulak ng work-from-home setup bilang pansamantalang solusyon sa pagsikip ng trapiko.
