DUMATING sa Lungsod ng Navotas ang mga experts mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) upang tumulong para mapabilis at tuluyan nang maapula ang apoy sa nasusunog na lumang Navotas landfill.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, malaki ang magiging tulong ng JICA sa team sa site dahil malawak ang kanilang karanasan sa landfill fire management.
Sa kanilang initial assessment, kinumpirma nila na epektibo ang mga hakbang na kasalukuyan ginagawa ng team, gaya ng soil covering, compaction, at cooling ng waste mass para mapigil ang natitirang apoy sa ilalim.
Sisimulan na aniya ng JICA experts ang pagsasagawa ng site demonstration hinggil sa mas epektibong paggamit ng heavy equipment para sa fire suppression.
Sinabi rin ni Tiangco na patuloy ang pagdating ng karagdagang heavy equipment at operators. Tatlong bulldozers at karagdagang expert operators din ang dumating at inaasahan pa ang pagdating ng mas marami pang kagamitan sa mga susunod na araw.
“Taos-puso kaming nagpapasalamat sa JICA, mga ahensya ng gobyerno, mga pribadong indibidwal at kumpanya na patuloy na tumutulong sa operasyong ito,” pasalamat ng alkalde.
“Makakasiguro po kayo na nakatutok kami upang mas mapabilis ang pag-apula ng sunog”, dagdag niya. (JUVY LUCERO)
