January 24, 2025

Mga dumating na Chinese sa ‘Pinas simula 2017, mas marami pa sa populasyon ng QC – Hontiveros

Mas marami pa ang bilang ng mga nakapasok na Chinese sa bansa kung ikukumpara sa kabuuang populasyon ng Quezon City, ayon kay Senator Risa Hontiveros ngayong Martes.

Ito ang napag-alaman matapos ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng kanyang Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality sa “pastillas” scam na dahilan ng paglobo ng bilang ng Chinese national na nakapasok sa borders ng Pilipinas kapalit ng P10,000 bayad.

Sa datos na nakuha mula sa Bureau of Immigration, lumalabas na apat na milyong Chinese national ang nakapasok sa bansa simula 2017.

“The numbers are staggering. For the sake of comparison, four million Chinese nationals arriving here since 2017 is comparable to more than the entire population of Quezon City,” pahayag ni Hontiveros.

“Kumbaga, bakit mas marami pa sa mga residente ng QC ang bilang ng Chinese na pinapapasok sa bansa?” dagdag pa niya.

Nabanggit din ni Hontiveros na sa apat na milyong Chinese national, nasa 3.8 milyon dito ay non-VUA (Visa Upon Arrival) applicants habang ang 150,000 ay VUA applicant.

Ang VUA program ay isang landed visa scheme na inilunsad ng gobyerno tatlong taon na ang nakalilipas upang hikayatin ang mas maraming Chinese tourist sa bansa.

Sa ilalim ng programang ito, pinapayagan ang isang VUA grantee na makapasok at manatili sa bansa sa loob ng 30 araw na hindi na kailangan pang kumuha ng entry visa sa Philippine consulate mula sa pinanggalingan niyang paliparan.

Samantala, mahigit sa tatlong milyong non-VUA applicants ay pinaniniwalaang nagbayad ng dagdag P10,000 service fee para sa “pastillas” scam na ibinulgar ni Hontiveros sa isang pagdinig noong Pebrero.