
Sta. Cruz, Laguna – Pormal nang itinalaga ni bagong halal na Gobernadora ng Laguna na si Sol Aragones ang dating mayor ng Candaba, Pampanga at kilalang advocate ng food security na si Jerry Pelayo bilang Provincial Administrator ng lalawigan.
Si Aragones, dating mamamahayag ng ABS-CBN, ay pumili ng kakamping may matibay na track record sa larangan ng agrikultura at serbisyong pampubliko. Ayon sa kanya, nakilala niya si Pelayo bilang isang masigasig na tagapagsulong ng “umaawas na pagkain” para sa buong bansa—isang adbokasiyang unang umalingawngaw noong panunungkulan nito bilang alkalde ng Candaba at kalauna’y bilang consultant ng Department of Agriculture.
“Perfect combination,” ani ni beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo. “Babaeng governor at lalaking ‘little governor.’”
Sa panayam kay Pelayo, binigyang-diin nito na peace and order ang kanilang unang tututukan ni Governor Aragones. Kabilang sa kanilang mga hakbang ay ang pagbibigay ng isang kabang bigas kada buwan sa bawat pulis sa buong probinsya bilang insentibo sa maayos at tapat na serbisyo.
Dagdag pa ni Pelayo, kailangang tiyaking ligtas at maayos ang kapaligiran ng Laguna upang mahikayat pa ang mas maraming mamumuhunan. “Kung may seguridad at katiwasayan, tiyak ang pagdami ng investors,” aniya.
Bagamat wala pang opisyal na programa ang inilalatag sa ngayon, kumpiyansa ang marami na magiging pangunahing prayoridad nina Aragones at Pelayo ang food security sa lalawigan ng Laguna.
