Upang masiguro ang matatag na suplay ng kuryente at mapangasiwaan ang singil sa kuryente, muling nanawagan ang Manila Electric Company (Meralco) at ang Department of Energy (DOE) sa mga commercial at industrial establishment na makiisa sa mga energy efficiency practices at sa Interruptible Load Program (ILP).
Sa ginanap na webinar na “Powering Through Uncertainty” para sa mga enterprise customers, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtitipid sa enerhiya lalo na’t kasabay ng panahon ng tag-tuyot ang tensyong geopolitikal sa Middle East na nagpapataas sa presyo ng petrolyo.
Ayon kay Noriel Christopher R. Reyes ng DOE Power Planning and Development Division, bagama’t sapat ang suplay at walang inaasahang alert levels sa Luzon Grid dahil sa mga bagong power projects, nananatiling hamon ang pabago-bagong presyo ng fuel.
Hinihikayat ng DOE ang mga negosyo na magsagawa ng energy audit upang makita ang mga oportunidad sa pagtitipid.
Ayon kay DOE Director Patrick Aquino, ang matalinong paggamit ng enerhiya ay dapat tingnan bilang isang oportunidad at hindi lamang obligasyon.
Bahagi ng kampanya ang paggamit ng mga cooling appliances sa mas episyenteng paraan at ang pag-adopt ng mga makabagong energy-efficient technologies.
Isa sa mga pangunahing programa na isinusulong ay ang ILP, isang boluntaryong programa kung saan ang mga malalaking kumpanya ay pansamantalang nagbabawas ng kanilang load mula sa grid at gumagamit ng sariling generator sets kapag manipis ang suplay ng kuryente.
Ayon kay Ma. Leticia L. Sapina ng Meralco, mas nagiging epektibo ang programa habang dumarami ang kalahok dahil maaari nang paghalinhinan o i-rotate ang mga kumpanyang hihilingang mag-deload.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 105 kumpanya ang naka-enrol sa ILP na may kabuuang de-loading capacity na 513 Megawatts.
Mula noong 2014, ang pagpapatupad ng Meralco sa ILP ay nakapagligtas na sa mahigit 3 milyong kabahayan mula sa nararanasang rotational brownout.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pribadong sektor at pamahalaan, layon ng mga hakbang na ito na protektahan ang mga maliliit na negosyo at mga tahanan mula sa epekto ng mataas na demand ngayong tag-init.
