Nilinaw ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Sabado, Agosto 16, na ang ₱3 bilyong “savings” ng lungsod ay hindi dapat ipagdiwang bilang malaking accomplishment kundi paalala na ang pera ng gobyerno ay para sa tao at ekonomiya.
“Government ‘SURPLUS’ or ‘SAVINGS’ is NOT an accomplishment,” giit ng alkalde.
“Hindi dapat nag-iimbak ng pera ang gobyerno, dapat nilalabas ito para tulungan ang mga tao at para palaguin ang ekonomiya,” dagdag niya.
Ayon kay Sotto, ang malaking tipid ng lungsod ay bunga ng dalawang pangunahing dahilan.
Ito ay ang anti-corruption at procurement reforms — Dahil sa tunay na open bidding at zero kickback, bumababa ang presyo ng proyekto. “Kung dati ₱100M, nagagawa na ngayon ng ₱80M o mas mababa,” paliwanag niya.
At ang limitadong absorptive capacity — Tumalon mula ₱10B hanggang ₱20B ang annual budget ng Pasig sa loob ng limang taon. Bagama’t halos doble rin ang gastos sa serbisyo, sahod at imprastruktura (mula ₱9B hanggang ₱16B), hindi pa ito kasing bilis ng paglaki ng budget.
“Nagtatanim tayo nang maayos ngayon para mas gumanda pa ang aanihin natin bukas,” diin ni Sotto, sabay pahayag na nagpapatuloy pa ang long-term reforms sa planning at implementation.
Kinilala rin ng alkalde na walang iniwang pagkakautang ang dating administrasyon at iniulat pang may ₱15B cash-in-bank. Ngunit malinaw aniya na ito’y kombinasyon lamang ng continuing appropriations, accounts payable at savings mula sa mga bakanteng plantilla positions.
“Pero still, we give credit where credit is due,” dagdag pa niya.
Ayon sa Commission on Audit, nakapagtala nga ng surplus ang Pasig noong 2023 pero nahirapan itong gamitin ang buong budget, lalo na para sa edukasyon.
Batay sa ulat, ₱573.6M o 34% lang ng ₱1.69B Special Education Fund ang nagamit, habang mahigit ₱1.1B ang naiwan dahil sa problema sa procurement at project implementation. Ipinapakita ng findings na bagama’t epektibo ang reporma sa pagtitipid, hamon pa rin ang pagtutok sa aktuwal na paggastos ng pondo para maramdaman ng mga residente.
