Isang konstruksyon firm na may puhunan lang na ₱250,000 ang nakakuha ng mahigit ₱5 bilyong kontrata para sa mga flood control project ng gobyerno sa ilalim ng Marcos administration.
Batay sa tala ng Securities and Exchange Commission (SEC), MG Samidan Construction and Development Corp. ay naitatag lamang noong Marso 7, 2019. Sa loob ng anim na taon, umangat na ito sa Top 15 contractors sa bansa at naging ika-12 pinakamalaki base sa halaga ng mga kontrata mula 2022 hanggang 2025.
Sa datos na inilabas ni Pangulong Marcos, nakapagtala ang MG Samidan ng 58 proyekto, karamihan ay flood control sa Cordillera region na nagkakahalaga ng kabuuang ₱5.02 bilyon.
• 35 proyekto sa Abra
• 11 sa La Union
• 6 sa Mountain Province
• 4 sa Benguet
• 2 sa Pangasinan
Isa sa pinakamalaki nitong kontrata ay ang ₱144.75M flood control structure sa kahabaan ng Abra river basin sa Manabo, Abra. Ngunit base sa pag-aaral ng UP NOAH, “mababa hanggang wala” ang panganib ng pagbaha sa naturang lugar.
Nabisto rin na may 7 proyekto ang kumpanya na may parehong halaga—₱96.5M bawat isa—kahit nasa iba’t ibang probinsya (Abra, Benguet, Mountain Province). Ayon sa DPWH, posible raw ito dahil sa “standard costing” at iisang batayan ng bidding price.
Ang sitwasyon ay ikinukumpara ngayon sa Pharmally Pharmaceuticals na may kapital lang na ₱650,000 pero kumamada ng halos ₱11B pandemic supply contracts noong 2020. Tulad noon, nagdududa ang ilan kung paano napaboran ang isang maliit na kompanya para sa bilyon-bilyong halaga ng proyekto.
Inatasan na ni Marcos ang DPWH na i-audit lahat ng flood control projects mula 2022. Naghahanda rin ang Kongreso, sa pamamagitan ng pinagsanib na komite sa public accounts, good government at public works, para imbestigahan ang mga kuwestyonableng proyekto.
Mariin ding binanatan ng Pangulo ang mga opisyal at contractor na kumita sa flood control projects na aniya’y bigo namang makapigil sa pagbaha sa gitna ng malalakas na ulan at habagat.
Ang tanong ngayon: paano nakalusot ang kumpanyang may napakaliit na kapital para kumamada ng bilyon-bilyong kontrata?
