Dumalo si Mayor Isko Moreno Domagoso ng Maynila kasama ang mga opisyal ng Association of Philippine Journalists – Samahang Plaridel, Inc. na pinamumunuan ni Pangulo Evelyn Quiroz, sa seremonya ng pag-aalay ng korona ng bulaklak bilang paggunita sa ika-175 kaarawan ni Marcelo H. del Pilar, kinikilalang Ama ng Pamamahayag sa Pilipinas. Dumalo rin sa nasabing seremonya ang mga kasapi at opisyal ng National Press Club (NPC), mga kinatawan mula sa iba’t ibang media organization, at ilang lokal na opisyal. (MINA PADERNA)
Ipinakita ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang suporta sa malayang pamamahayag nang bisitahin niya ang National Press Club (NPC) ngayong Sabado, Agosto 30, bilang bahagi ng selebrasyon ng National Press Freedom Day.
Bago ang kanyang pagbisita sa NPC, pinangunahan ni Domagoso ang wreath-laying ceremony sa monumento ni Marcelo H. del Pilar sa Malate, bilang pag-alala sa ika-175 kaarawan ng “Father of Philippine Journalism.”
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng alkalde ang mahalagang papel ng media sa pagpapalaganap ng tama at tapat na impormasyon sa publiko.
“Trabaho ninyo ang malayang pamamahayag, at tungkulin ko naman bilang alkalde ang magpaliwanag at maghayag ng mga programang tatahakin ng pamahalaang lungsod,” ani Domagoso.
“Rest assured, kayong mamamahayag ay malaya dito sa Maynila. Umasa kayo na suportado namin ang malayang pamamahayag sa Lungsod ng Maynila,” dagdag pa niya.
Ayon sa alkalde, ang pagbisita ay simbolo ng pagpapatibay ng ugnayan ng lokal na pamahalaan at media, at ng patuloy na commitment ng lungsod sa transparency at open communication. (MINA PADERNA)
