July 19, 2024

MAYOR ALICE GUO MAY DEATH THREATS (Kaya hindi nakadalo sa Senate hearing)

HINDI sumipot si suspended Bamban Mayor Alice Guo sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ngayong araw.

Sa liham na pinadala ni Guo sa komite, nakasaad na bukod  sa usapin sa kanyang kalusugan, may banta na rin sa kanyang buhay kaya hindi ito nakadalo sa pagdinig.

Ayon kay Guo, tuloy-tuloy ang mga natatanggap niyang banta sa kanyang buhay na hindi niya maaring balewalain.

Lumala din daw ang kanyang kalusugan mula nang hindi siya dumalo sa Senate hearing noong June 26.

Sinabi ng suspendidong alkalde na nagpakonsulta na siya sa doctor ngunit ayaw nitong magbigay ng medical certificate sa takot na sila ay ipatawat at ipahiya sa Senado.

Ayon kay Guo, nahusgahan na rin na siya ng lahat ng mga akusasyon laban sa kanya at maging ang kanyang personal na buhay ay nalantad sa publiko.

Una rito, nagbanta si Senator Risa Hontiveros at Senator Sherwin Gatchalian na maglalabas ng warrant of arrest ang komite laban kay Guo kapag hindi ito sumipot sa Senate hearing ngayong araw.