May 5, 2024

MARCOS SA MGA OFW: GOBYERNO NAGTATRABAHO PARA PROTEKTAHAN ANG INYONG PAMILYA

Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa mga overseas Filipino workers na nagtatrabaho ang gobyerno para tiyakin na mapapangalagaan ang kanilang pamilya habang sila’y nagsusumikap na magtrabaho sa ibang bansa.

“Ang aming approach ngayon para sa OFW ay tulungan hindi lamang yung OFW kung di pati yung pamilya na naiwan dito sa Pilipinas,” saad ni Marcos Jr. “Kaya’t yung mga bagay tulad ng pabahay, scholarship program naibibigay natin sa anak ng mga OFW,” aniya.

May mga programa rin aniya para sa migrant workers na nais umuwi pabalik ng Pilipinas.

“Sa mga OFW, kung sila ay babalik at maghahanap ng bagong trabaho ay tutulungan natin sila sa training, ‘yung tinatawag na reskilling and upskilling dahil yung ibang trabaho na lumalabas ngayon ay highly technical kaya itretraining natin ang ating mga OFW para kaya nilang makipagkumpetensya sa labor market sa buong mundo,” saad niya.

“Kailangan natin gawin ay makapagbigay sa kanila ng trabaho [kasi] kaya naman sila umalis ay dahil hindi sila makahanap ng trabaho na katumbas ng kanilang training,”  wika pa niya.

Ayon pa sa Pangulo, sinisikap niya na pag-ibayuhin ang relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa kung saan nanatili ang mga Pinoy.

“Ang tanging maisusukli ko ay ang pagpapatibay ng ating mga pakikipag-ugnayan sa mga kinatawan ng bawat bansang kinaroroonan ninyo,” saad niya.

“Ganiyan ang pakay natin lagi,” dagdag pa niya.

Sa parehong vlog, ipinakita ni Marcos ang maraming mga OFW na kanyang nakadaupang-palad sa kanyang overseas trips bilang pangulo ng Pilipinas at nagpapasalamat sa lahat ng mga Filipino para irepresenta ang bansa at makamit ang respeto sa foreign employers.

“Ang tanging maisusukli ko sa inyong hindi matatawarang kontribusyon sa ating lipunan ay ang masiguro ko ang inyong proteksyon at ang kalagayan ng naiwan ninyong pamilya sa ating bansa,” saad niya.