Sa gitna ng pagpapalakas ng paghahanda para sa posibleng epekto ng banta ng malakas na El Niño, patuloy na sinusulit ng Manila Water ang bawat patak ng treated water sa pamamagitan ng pagpapanatili ng non-revenue water (NRW) o system loss sa ilalim ng 15 percent. Ang lebel na ito ay maihahambing sa mga ginagawa ng mga water utility sa mga maunlad na bansa.
Nailista ng Manila Water ang NRW level na 14.65 percent noong Agosto 2026, habang ang year-to-date NRW naman ay nasa 14.29 percent. Ang bawat isang porsyentong bawas sa NRW ay katumbas ng karagdagang 15 hanggang 16 million liters ng tubig na naipapamahagi sa mga customer.
Ang NRW ay tumutukoy sa treated water na naprodyus na ngunit hindi nababayaran o nasisingil dahil nawawala ito sanhi ng mga leak, basag na kalye o pipe burst, illegal connection, tampered meter, at iba pang commercial loss. Dahil sa mababang NRW level, mas maraming tubig ang naihahatid sa mga customer nang hindi na kailangang kumuha ng karagdagang supply sa mga umiiral na water source.
Ang tuloy-tuloy na magandang NRW performance ay bunga ng halos tatlong dekadang pamumuhunan sa leak detection at repair, mainline extension at rehabilitation, district metering, meter replacement, pressure management, network monitoring, at preventive maintenance. Mula sa NRW level na humigit-kumulang 63 percent nung magsimula ang concession nito noong 1997, tuloy-tuloy na naibaba ng Manila Water ang system loss sa ilalim ng 15 percent—isa sa pinakamalaking operational achievement ng kompanya.
Mananatiling kabilang sa pinakamagaling sa buong Asya ang NRW performance ng kompanya at pumapantay sa mga pamantayan sa mauunlad na bansa, kung saan ang mababang lebel ng kawalan ng tubig ay itinuturing na mahalagang indicator ng operational efficiency at water sustainability.
Dahil sa mga forecast na nagpapakita ng posibilidad ng malakas na El Niño na maaaring tumagal hanggang 2027, mas naging kritikal pa ang pagpapababa ng kawalan ng tubig. Bawat litrong nasasagip mula sa mga leak at iba pang loss ay katumbas ng mas maraming tubig na nagagamit ng mga sambahayan, negosyo, at institusyon sa buong East Zone.
Katuwang din sa magandang NRW performance ng Manila Water ang mabilis nitong pag-aksyon sa mga sira sa tubo. Noong Agosto 2026, naayos ng kompanya ang lahat ng 38 naitalang disruptive mainline pipe burst na may sukat na 300 millimeters pababa sa loob ng kanilang 24-hour service commitment, na nagtala ng 100 percent compliance para sa buwang iyon. Mula Enero hanggang Agosto 2026, lahat ng 297 na disruptive mains failure ay naayos din sa loob ng nakatakdang response period.
“Ang pagpapanatiling mababa ng system loss ay isa sa pinaka-epektibong paraan para ma-stretch ang ating available water resources, lalo na habang naghahanda tayo sa mga hamong dala ng climate change at extreme weather events tulad ng El Niño. Ang bawat patak na nasasagip mula sa ating network ay patak na maipapamahagi natin sa ating mga customer,” ayon kay Dittie Galang, Communication Affairs Department Head ng Manila Water.
Habang patuloy na pinalalawak ng Manila Water ang mga pagkukunan nito ng tubig at pinatitibay ang network infrastructure, ang pagpapanatili ng world-class NRW performance ay nananatiling pangunahing haligi ng diskarte ng kompanya upang matiyak ang water security at maaasahang 24/7 service para sa mahigit 7.9 million customers nito, lalo na sa panahon ng mahabang tagtuyot.
