Nangamba ang mga dating health secretary sa malaking bawas sa budget ng health promotion sa ilalim ng 2027 General Appropriations Bill (GAB), dahil umano sa paglabag nito sa Universal Health Care (UHC) Law.
Sa ilalim ng bersyon ng House of Representatives para sa 2027 GAB, naglaan ang Mababang Kapulungan ng P275.85 billion para sa mga bagong pondohan ng Department of Health (DOH)—mas mataas kumpara sa P263.62 billion na panukala sa 2027 National Expenditure Program (NEP).
Ngunit sa kabila nito, tinapyasan ng Kamara ang budget para sa health promotion patungong P485 million na lamang, mula sa P2.5 billion na nakasaad sa NEP.
Noong Huwebes, October 22, nagbabala ang Healthy Philippines Alliance na hindi sinunod ng Kamara ang Section 30 ng UHC Law. Ayon sa batas, “the cost of implementing health promotion programs shall be at least one percent (1%) of the DOH’s total budget appropriations.”
“Ang ganitong kalaking budget cut ay nagpapahina sa mandato ng UHC Law. Labag ito sa ating layunin na makamit ang isang financially sustainable Universal Health Care na garantisado para sa bawat Pilipino,” pahayag ni Dr. Manuel Dayrit, na nagsilbing health secretary sa ilalim ng Arroyo administration.
Pinaalalahanan ni Dayrit ang Kongreso na ituring ang health promotion bilang isang pangunahing investment at hindi gastos na madaling pwedeng kaltasin, dahil ang health promotion at disease prevention ang mismong pundasyon ng UHC.
Subok na kinuhaan ng Rappler ng pahayag si Nueva Ecija 1st District Representative Mika Suansing, ang chairperson ng House appropriations committee, ngunit ayon sa kanyang staff ay naka-maternity leave na ito.
Kinitak din ng Rappler si Bataan 2nd District Representative Albert Garcia, ang budget sponsor ng DOH sa Kamara, para sa kanyang komento.
“Ang pagtapyas sa pondo para sa prevention ng noncommunicable diseases (NCDs) ay magdudulot ng mas malaking gastos sa gobyerno sa hinaharap dahil sa secondary care at emergency hospitalizations. Ang diabetes, heart at kidney disease, at hypertension ay labis nang nagpapahirap sa mga pamilyang Pilipino at nagpapasadsad sa ating healthcare system,” ayon kay Dr. Jaime Galvez Tan, lead convenor ng Healthy Philippines Alliance at dating health secretary sa panahon ng Ramos administration.
Binigyang-diin naman ni Dr. Esperanza Cabral, isa pang dating health chief sa ilalim ng Arroyo administration, na hindi mapoprotektahan ng pamahalaan ang mga mahihirap na komunidad kung “severely underfunded” ang health promotion.
“Kapag ang budget para sa health promotion ay bumaba sa P400 million, ang mga pamilyang Pilipino—lalo na ang mga low-income households—ay nawawalan ng suporta at resources na kailangan nila laban sa mga sakit na pwede namang maiwasan. Tinatanggalan nito ang mga mahihirap ng karapatan sa mga serbisyong makakapagligtas sana ng kanilang buhay,” dagdag pa ni Cabral.
Magugunitang nagpanukala ang budget amendments review subcommittee ng Kamara ng kabuuang P28.36 billion na realignment sa budget ng DOH.
Sa naturang halaga, P25 billion ang idinagdag sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program—isang programa na inilalarawan ng ilang civil society groups bilang “soft pork.”
Kabilang pa sa mga natanggapang ng mas mataas na pondo ay ang Health Facilities Enhancement Program, nationally procured commodities para sa prevention at control ng communicable diseases, at ang operasyon ng mga DOH regional hospital.
Kasalukuyan pang dinedebatehan ng Senado ang panukalang 2027 budget. Isang bicameral conference committee ang bubuuin kung may mga pagkakaiba sa mga bersyon ng Kamara at Senado bago dalhin ang pinal na panukalang pondo sa Pangulo para sa kanyang lagda.
