Binisita ni First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos ang New Bilibid Prison, kung saan mainit siyang tinanggap ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr.
Nagpakita ang naturang pagbisita ng patuloy na commitment ng administrasyon para sa makataong correctional services, access sa katarungan, healthcare, rehabilitasyon, at ang matagumpay na pagbabalik ng mga persons deprived of liberty (PDLs) sa kanilang mga pamilya at komunidad.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Catapang sa presensya at personal na pagsuporta ng First Lady sa mga programang nagsusulong ng dignidad ng tao, legal assistance, at rehabilitasyon.
“Your visit reminds us that behind every prison wall are individuals who, despite their past mistakes, remain deserving of dignity, compassion, and opportunities for meaningful transformation,” pahayag ni Catapang.
Sa ilalim ng temang “Kulay, Kalinga, Katarungan at Kalayaan,” itinampok ang programa ng iba’t ibang inisyatiba para sa mga pangangailangan ng PDLs, tulad ng painting lessons, libreng legal assistance, ang PagLaya Programme, dermatology medical mission, at ang Katarungan Caravan.
Paliwanag ni Catapang, kinakatawan ng bawat salita sa tema ang mahalagang misyon ng BuCor: ang “Kulay” para sa pagiging malikhain at pagbabago; “Kalinga” para sa makataong pagtrato at pangangalaga sa kalusugan; “Katarungan” para sa access sa hustisya; at “Kalayaan” para sa pag-asang makabalik sa lipunan bilang responsableng mamamayan.
“Successful correctional management is not measured only by the number of individuals we confine, but also by the number we successfully prepare for freedom,” dagdag pa ni Catapang habang kinikilala ang mga PDL na kwalipikado nang makalabas at magsimula ng bagong kabanata sa buhay. Naging katuwang sa aktibidad ang Department of Justice (DOJ), judiciary, Integrated Bar of the Philippines (IBP), at mga partner agencies.
Dumalo rin sa kaganapan sina Sandiganbayan Associate Justice Karl Miranda, Commission on Audit (COA) Chair Gamaliel Cordoba, TESDA Deputy Director General Felizardo Colambo, Special Envoy Kathryna Yu-Pimentel, Patrick Larraga ng BELL KENZ PHARMA, Grace Vera Cruz at Booey Bonifacio ng Grab, Kei Laurel ng Frabelle, Dr. Aivee Teo at Dr. Z Shen Teo ng Aivee Beyond Borders, pati na ang mga pintor na sina Joey De Leon at Dr. Liping Zheng. (MINA PADERNA)
