Binigyang-babala ng Malacañang ang publiko nitong Biyernes, Pebrero 13, laban sa pagpili ng isang “Manchurian candidate” o isang pinunong kontrolado ng dayuhang gobyerno sa darating na 2028 elections.
Ito ang naging matapang na tugon ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na nagtatanong kung mayroon pa bang “Pilipinas na pag-uusapan” pagdating ng 2028 dahil sa umano’y korapsyon at kakulangan ng development projects.
Sa isang Palace briefing, direktang sinagot ni Castro ang mga agam-agam ng Bise Presidente.
Ayon sa kaniya, magkakatotoo lamang ang hula ni Duterte kung ang susunod na lider ay magsisilbing sunud-sunuran sa ibang bansa.
“Kung ang kaniyang hula ay magkakatotoo, malamang mangyayari iyan kung ang isang lider na iboboto sa 2028 ay isang Manchurian candidate—isang puppet ng isang bansa kung saan maaaring ipamigay ang ating yaman at ating karapatan,” ani Castro.
Ang terminong Manchurian candidate ay tumutukoy sa isang politiko na sikretong ginagamit ng dayuhang kapangyarihan upang isulong ang interes nito at pinsalain ang sariling bansa.
Hindi rin pinalampas ni Castro ang pagpuna ni Duterte sa administrasyong Marcos. Tinawag ng opisyal ang Bise Presidente na “bulag” sa mga nagawa ng gobyerno sa sektor ng transportasyon at edukasyon.
“Drama pero walang gawa,” dagdag pa ni Castro, habang binabatikos ang aniya’y paninira ng OVP sa gitna ng mga kinakaharap na isyu ng bansa. Nagpaabot din siya ng “Valentine’s message” para kay Duterte: “Spread love, not fake news.”
Bago ang briefing ng Palasyo, naglabas ng pahayag si VP Sara Duterte kung saan kinuwestiyon niya ang propesyunalismo ng mga opisyal sa Malacañang.
“Ang kaniyang mga statements ay nakakahiya para sa bansa dahil the world is listening,” sabi ni Duterte, patukoy kay Castro. “Dapat hindi na binibigyan ng atensyon ang mga iyan. Ang trabaho ang asikasuhin, hindi ang drama.”
Dinepensahan din ni Duterte ang kaniyang naunang kritisismo, at iginiit na ang kaniyang mga pahayag ay base sa tunay na nararanasan ng mga Pilipino, gaya ng matinding baha at kahirapan.
Sa dulo ng briefing, nanindigan si Castro na walang dapat ikahiya sa pagsasabi ng katotohanan. Binigyang-diin niya na ang mas nakakahiya ay ang hindi pagkilala sa mga positibong pagbabagong nagaganap sa bansa at ang pagpanig sa interes na hindi para sa mga Pilipino.
Kasalukuyang naging viral ang video ng nasabing briefing sa social media, na muling nagpasiklab sa tensyon sa pagitan ng dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
