Diretsahang binalikan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro si Bise Presidente Sara Duterte matapos ang mga paratang nito na nagdadala umano ang opisyal ng kahihiyan sa bansa.
Sa isang panayam sa DZMM Teleradyo ngayong Biyernes, Pebrero 13, binigyang-diin ni Castro na walang nakakahiya sa pagsasabi ng katotohanan.
Ayon sa kaniya, ang tunay na nakakahiya ay ang nakaugalian na umanong paggawa at pagtatahi-tahi ng mga kuwento upang linlangin ang publiko.
Hindi nagpaawat si Castro at binuweltahan ang pamilya ng Bise Presidente sa pamamagitan ng pag-ungkat sa 2017 report ng Organized Crime and Corruption Reporting Project (OCCRP).
Sa nasabing ulat, kabilang ang dating Pangulong Rodrigo Duterte sa listahan ng mga personalidad na binansagang “most corrupt.”
Ayon kay Castro, tila mas kahiya-hiya ang matawag na anak ng isang itinuturing na korap kaysa sa pagganap niya sa kaniyang tungkulin bilang tagapagsalita ng Office of the President.
Bukod sa isyu ng korapsyon, inilarawan din ni Castro ang mga pahayag ni Duterte bilang “utak buwitre.”
Ipinaliwanag ng Undersecretary na tila naghihintay lamang ang Bise Presidente ng anumang pagkakataon o negatibong isyu laban sa Pangulo upang agad na sumunggab at manira.
Ang banat na ito ni Castro ay tugon sa naging pahayag ni Duterte sa News5 noong nakaraang araw, kung saan inakusahan niya ang opisyal ng paulit-ulit na pagbibigay ng kahihiyan sa Pilipinas sa tuwing humaharap ito sa publiko.
Ang palitan ng maaanghang na salita sa pagitan nina Castro at Duterte ay muling nagpapakita ng lumalalim na lamat sa ugnayan ng kasalukuyang administrasyon at ng pamilya Duterte.
Sa kabila ng mga batikos, nanindigan ang kampo ng PCO na patuloy nilang ilalabas ang katotohanan laban sa mga umano’y maling naratibong ipinapakalat ng kanilang mga kritiko.
