SHOOT sa kulungan ang 62-anyos na lolo nang pagbantaan at tutukan ng gun replica ang kanyang pamangkin makaraan ang mainitang pagtatalo ng mga ito sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, mahaharap ang suspek na si alyas “Lolo Pedro” sa kasong Grave Threats at paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Lumabas sa imbestigasyon na nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at 36-anyos nitong pamangkin hinggil sa paggamit umano ng tiyuhin ng kanyang kubo sa iligal na aktibidad sa Barangay Coloong II.
Sa kainitan ng pagtatalo, kumuha umano ang suspek ng isang piraso ng kahoy at tinangkang ihambalos sa biktima bago pumasok sa kubo.
Pagbalik ng suspek, armado na ng baril na agad itinutok sa pamangkin sabay pinagbantaan itong papatayin kaya sa labis na takot, nagtatakbo ang biktima bago himungi ng tulong mga tauhan ng Polo Police Sub-Station 5.
Kaagad inatasan ni SS5 Commander P/Capt. Doddie Aguirre ang kanyang mga tauhan na mabilis namang rumesponde sa lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakumpiska sa kanya ang isang baril na napag-alaman gun replica na ginamit sa pagbabanta sa biktima. (JUVY LUCERO)
