Bilang bahagi ng kampanya para sa mas epektibong serbisyo at pananagutan, ipinatupad ngayong araw ng Bureau of Corrections (BuCor) ang isang malawakang balasahan sa hanay ng mga opisyal nito, kabilang na ang pagsibak sa dalawang superintendent.
Sa ginanap na turnover ceremony sa BuCor Headquarters sa Muntinlupa City, binigyang-diin ni Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na ang hakbang na ito ay layong patatagin ang pamamahala sa mga pasilidad at mabilis na tumugon sa mga bagong hamon ng kawanihan.
Ayon kay Catapang, ang pagbabago sa liderato ay krusyal upang patuloy na maitaguyod ang kambal na mandato ng “safekeeping” at “reformation” habang pinapanatili ang tiwala ng publiko.
Kabilang sa mga inalis sa kanilang mga tungkulin sina C/Supt Ricardo R. Sespene Jr., na dating pinuno ng Leyte Regional Prison, at CT/SSUPT Marjorie Ann P. Sanidad na dating hepe ng Correctional Institution for Women.
Habang nakabinbin ang resolusyon ng mga imbestigasyon hinggil sa kanilang asal, si Sespene ay itinalaga muna sa Anti-Squatting Unit ng BuCor Land Control and Management Center, samantalang si Sanidad naman ay inilipat sa New Bilibid Prison Hospital.
Papalit sa kanilang mga bakanteng puwesto sina C/SSUPT Ruben Formoso at CT/SSUPT Daisy Sevilla-Castillote, na dati namang nagsilbi bilang superintendent ng San Ramon Prison and Penal Farm.
Nagpatuloy ang serye ng paglilipat sa iba pang mga pasilidad kung saan si C/SSUPT Roger Boncales ng New Bilibid Prison ay inilipat sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro, at hahalili sa kanya si C/SUPT Gary Garcia mula sa Iwahig Prison and Penal Farm.
Ang iiwan namang puwesto ni Garcia sa Iwahig ay pupunan ni C/SUPT Edgardo M. Mendoza Jr. na mula sa Davao Prison and Penal Farm, habang ang bakanteng posisyon sa Davao ay kukunin ni C/Supt. Abel D.R. Ciruela mula sa Sablayan.
Samantala, si Devaras na dating Commander ng NHQ and Headquarters Support Company Command ang siyang itinalaga bilang bagong superintendent ng San Ramon Prison and Penal Farm na binakante ni Castillote.
