Pormal nang inanunsyo ng Malacañang ang pag-alis sa Gabinete ni Raphael “Popo” Lotilla, ang nagsilbing “alter ego” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa dalawang magkaibang ahensya.
Sa isang press conference ngayong Biyernes, Pebrero 27, kinumpirma ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na itinalaga na si Lotilla bilang bagong Ambassador ng Pilipinas sa Holy See.
Nilinaw ni Castro na hindi nagbitiw sa puwesto si Lotilla at hindi rin ito pinag-resign, kundi isang bagong pagtatalaga lamang para sa kanyang susunod na tungkulin.
Si Lotilla, na isang abogado, ay unang nagsilbi bilang Kalihim ng Enerhiya sa ilalim ng administrasyong Marcos bago inilipat sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong Mayo 2025 bilang bahagi ng ipinangakong “revamp” sa Gabinete.
Matatandaang nagsilbi na rin siya bilang energy chief noong 2005 hanggang 2007 sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Sa kanyang paglisan sa DENR, papalit sa kanya bilang bagong kalihim si Undersecretary Juan Miguel Cuna, isang beterano sa nasabing kagawaran.
Si Cuna ay nagsimulang magtrabaho sa DENR noong 2008 at unti-unting umakyat sa ranggo hanggang sa maging Undersecretary para sa Field Operations sa Luzon at Visayas.
Bago ang kanyang karera sa DENR, nagturo siya ng batas sa Arellano at nagtrabaho sa Presidential Legislative Liaison Office noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Sa kabila ng kanyang promosyon, matatandaang naharap si Cuna sa suspensyon noong 2018 mula sa Ombudsman kaugnay ng kontrobersyal na shipment ng basura mula sa Canada noong 2013 habang siya pa ang namumuno sa Environmental Management Bureau (EMB).
