Isang 21-anyos na lalaki at ang kanyang kasintahan ang naging biktima ng robbery at carnapping matapos silang tutukan ng baril ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay San Vicente, Angono, Rizal.
Batay sa huling ulat ng Angono Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente dakong ala-una ng madaling araw noong Pebrero 25, 2026, sa 4th Street ng nasabing barangay.
Gayunpaman, pormal lamang na nakapag-report sa himpilan ng pulisya ang biktimang kinilalang si alyas “Nickos,” residente ng Binangonan, nitong Pebrero 26 dahil sa trauma at pagproseso sa nangyari.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na nakaparada lamang ang magkasintahan upang bumili ng pagkain nang biglang sumulpot ang dalawang lalaking sakay ng isang itim na Yamaha NMAX.
Tinutukan sila ng baril at nagdeklara ang mga suspek ng holdap at sapilitang kinuha ang dalawang yunit ng cellphone ng mga biktima, pati na ang kanilang motorsiklong Honda Click 125 na kulay puti at asul.
Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Taytay, Rizal.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ang Angono MPS ng backtracking at forward tracking sa mga CCTV footage sa paligid ng pinangyarihan at nakikipag-ugnayan na rin sa mga karatig na istasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga salarin.
