May 17, 2024

MAINSTREAM MEDIA.. BAKIT?

BAKIT mayroon tayong kahanay na  mga alagad ng pamamahayag ang ‘di tumutupad sa  tungkuling maging neutral at makatotohanan sa pagtrato ng  impormasyon at maging kabahagi ng ‘building a nation’?

Sila iyong mga lantaran at garapalang  nagkakalat ng balintunaang balita upang ikundisyon ang mamamayan sa maling paniwala.

 Bakit sila pa ang  nagiging instrumento ng mga mas maiimpluwensiyang  pahirap sa lipunang ayaw ng pagbabago upang manatili silang may kontrol sa lahat nang aspetong kabuhayan  ng mamamayan.

 Sila ang mga tunay na nagsasamantala sa tinatamasang demokrasya at gamit ang malayang pamamahayag upang  batikusin, siraan at ibagsak ang di nila matanggap na lider ng bansa pero tiwala naman  ang mayorya ng sambayanan sa administrasyong nagpapatupad ng tunay na pagbabago para sa kapakanan ng bayan.

Sila ang mga mamamahayag na  may singkaw sa ilong na ikinabit ng kanilang panginoong oligarko kaya hangga ngayon ay hirap sa pag-usad ang bayan ni Juan na di naman susuko hanggat di nakakamit ang tunay na pagbabago na idinidigma na ating Pangulo.

Kapag may makabuluhang proyekto para sa pagsulong ng mamamayang Pilipino ay  sanib puwersa ang mga oposisyon, oligarko, makakaliwa, kaparian pati mga iskolar ng estado na nabobo na ng maling paniniwalang isinusubo ng kakampi at kakomplut na  biased mainstream media.

Bakit ayaw niyong makiisa upang umasenso na ang ating bansang watak-watak  at tigib ng pagsubok ng pighati gawa ng tao at ngitngit nang kalikasan?

Tayo ang pinakamadasaling tao  sa dakong ito ng mundo  sa ilalin ng araw pero binibiyayaan tayo ng mga kababayang pasaway ,patusuhan, pasiklab na wala namang batbat, ganid  at traydor sa bayang ang kalakaran ay ang survival of the fittest sa lupang ating  hinirang na mistula nang  banana republic sa kagagawan ng  iilan.

Bakit ang pinasisikat ng mainstream media ay iyong mga salungat  at salot sa lipunan? Mas BALITA ba sa kanila, ang krisis, patayan, away – pulitika, kriminalidad, droga sa gitna ng kalamidad at mga radikal na kilusan kesa sa asenso at tagumpay ng bayan?  Mainstream media… BAKIT?