April 29, 2024

MAGKAPATID NA BABAE NALUNOD SA LAWA

PATAY ang magkapatid na babae makaraang parehong higupin ng tubig sa ilalim ng lawa at malunod habang naliligo sa Barangay Bugaan East, Laurel, Batangas, noong Sabado ng hapon.

Nakilala ang magkapatid na biktima na sina Aira Gene Obejera, 27 anyos, residente ng Brgy. Marawoy sa Lungsod ng Lipa at si Glenae Joy Obejera, 12 taon gulang habang nakaligtas naman ang nakatatanda nilang kapatid na si Jillian Obejera, na residente sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Ayon sa report ng Coast Guard Sub-Station sa nasabing bayan, isang tawag sa telepono ang kanilang natanggap tungkol sa nangyaring insidente ng pagkakalunod kaya’t agad silang tumalima at nagresponde sa lugar at nagsagawa ng search and rescue operation.

Nadiskubre ng SAR Team ang walang malay-tao na katawan ng biktimang si Aira Gene, na narekober ng mangingisdang si Keigi Gento, na isinakay sa kanyang motor banca habang si Glenda Joy ay nakita naman ni Ginoong Renerio Flor, makaraang sisirin at iahon sa tubig.

Sinubukan pang dalhin sa Doctor E. Malabanan Hospital ang magkapatid para mailigtas subalit idineklarang Dead on arrival (DOA) ng rumespondeng doktor. (KOI HIPOLITO)