May 19, 2024

Magkapatid ginawang parausan ng sariling ama

ehas na bakal ang kinasadlakan ng isang 54-anyos na tricycle driver matapos i-reklamo ng paulit-ulit na panghahalay sa kanyang 20-anyos na dalagang anak sa Malabon City.

Nabatid na ginulpi ng suspek ang biktima na itinago sa pangalang “Merly” habang sinasabihan umano ng “wala makikinabang sa inyo kung hindi ako lang” makaraang tumanggi ito sa umano’y paulit-ulit na ginagawang panghahalay sa kanya sariling ama.

Dahil dito,  napilitan nang ipagtapat ng biktima ang ginagawang panghahalay sa kanya ng kanyang ama na itinago niya sa matagal ding panahon sa takot na totohanin ng suspek ang banta na may mangyayaring masama sa kanila sa oras na magsumbong siya kaninuman.

Kaagad na humingi ng tulong sa barangay at pulisya ang ina ng dalaga na nagresulta sa pagkakadakip sa manyakis na suspek kamakalawa na naging dahilan upang maglakas na rin ng loob ang 16-anyos na kapatid ng dalaga na lumutang at magsumbong sa ginagawa ring panghahalay sa kanya ng sariling ama.

Napagalaman na ang pinakahuling insidente ng panghahalay kay Merly ay noong Biyernes ng umaga at batay sa ginawang pagsusuri na isinagawa sa kanya ng medico-legal ng Northern Police District (NPD) Crime Laboratory, positibong hinalay ang dalaga na hindi lamang minsang naganap, tulad ng sumbong ng biktima.

Isinalang na rin sa medico-legal examination ang nakababata niyang kapatid na itinago sa pangalang “Gemma” na umano’y paulit-ulit ding ginagahasa ng ama sa tuwing wala sa bahay ang kanilang ina.

Sa oras na positibong ginahasa batay sa resulta ng isinagawang pagsusuri kay Gemma, isasampa na ng pulisya ang kasong sexual violence at multiple rape laban sa ama ng mga biktima sa piskalya ng Malabon City. (JUVY LUCERO)