April 29, 2024

Mag-inang tulak nalambat sa buy-bust sa Navotas

KULUNGAN ang kinasadlakan ng mag-ina na kapwa listed drug pushers matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Shirley Llanera alyas “Ging-Ging”, 53, (pusher/listed) at Ernesto Dela Cruz alyas “Erwin”, 28, (pusher/listed), kapwa ng222 S. Roldan St., Brgy. Tangos South.

Sa report ni Col. Ollaging kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, dakong alas-5:40 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa Judge Roldan St., Brgy. San Roque matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa illegal drug activity ng mga suspek.

Matapos tanggapin ang P300 marked money mula sa isang undercover police poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay agad lumapit ang back up na operatiba saka inaresto ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 4 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) Php 27,200.00 at buy bust money.

Kasong paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Illegal Possession of Dangerous Drug), Article II of  RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isasampa ng pulisya kotra sa mga suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.