ISANG 50-anyos na ina at kanyang walong taong gulang anak na babae ang namatay habang sugatan naman ang kanyang mister at binatilyong anak sa naganap na sunog sa Caloocan City, Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ni BFP investigator FO1 Samuel Rentillo Jr. kay Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP) Chief F. Supt. Jacky Ngina, nagsimulang sumiklab ang apoy sa hindi pa batid na dahilan dakong alas-3:50 ng madaling araw sa isang bahay sa Velasco St., Brgy., 7 ng lungsod.
Kaagad itinaas sa unang alarma ang sunog dakong alas-3:59 ng madaling araw na mabilis na nirespondehan ng may 25-firetrucks, kabilang ang mga fire volunteers kung saan alas-4:46 ng madaling araw nang ideklara itong under control at tuluyang naapula 5:25 ng umaga.
Ayon sa BFP, natagpuan ang bangkay ng isa sa nasawi sa dulong bahagi sa 2nd floor ng dalawang palapag na bahay habang sa unang palapag na nakita ang isa pa nang bumagsak na ang sahig ng nasunog na bahay.
Isinugod naman sa pinakamalapit na pagamutan ang 49-anyos na mister at 13-anyos nilang anak na lalaki nagtamo ng mga sugat sa bahagi ng kanilang katawan nang makalabas sa nasusunog nilang bahay.
Umabot sa 23 pamilya ang naapektuhan ng sunog habang inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi ng sunog na tumupok sa tinatayang P200K halaga ng ari-arian. JUVY LUCERO
