May 9, 2024

Mag-amang wanted sa murder, timbog

Sa bisa ng warrant of arrest, dinakip ng mga operatiba ng Manila Police District ang mag-ama na parehong wanted sa kasong murder, sa isinagawang operasyon sa Las Piñas City kaninang umaga.

Kabilang ang dalawa sa Top 1 at Top 2 sa wanted list ng MPD-Station 9, na kinilala na sina Michael Poche, 30, at ang kanyang ama na si Nolie, 57, isang foreman, kapwa naninirahan sa Christian Executive Village sa Barangay Talon Singko, Las Piñas City.

Ayon kay P/ Lt.Col. Micheal Garcia, Station Commander ng MPD-Malate Police Station 9, inaresto ang mag-amang wanted dakong alas-8:30 ng umaga sa kanto ng Bayabas at Duhat Street sa Las Piñas.

Iniulat ng imbestigador na si PCapt. Gil John Lobaton, na subject ng police surveillance ang dalawa matapos makatanggap ng tip ang pulisya kaugnay sa kinaroroonan ng mga ito.

Inisyu ang warrant laban sa kanila nina Judge Alfredo Ampuan ng Manila Regional Trial Court Branch 40 at Judge Layug ng Branch 46.

Walang inirekomendang piyansa para sa mag-ama.