Isinailalim sa Yellow Alert ang Luzon Grid ngayong Huwebes, Abril 16, 2026, matapos ang sunod-sunod na pag-shutdown ng ilang malalaking planta ng kuryente at paghina ng kapasidad ng iba pa.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang alerto ay epektibo mula 4:00 PM hanggang 10:00 PM.
Batay sa datos ng NGCP as of 5:00 PM, nasa 12,223 MW ang kasalukuyang available capacity, habang pumalo naman sa 11,966 MW ang peak demand. Ang manipis na agwat na ito ang nagtulak sa grid na itaas ang alerto dahil sa kakulangan ng reserba.
Umabot sa kabuuang 5,137.2 MW ang nawala sa grid dahil sa paghinto ng operasyon ng 35 planta, habang 14 na iba pa ang tumatakbo lamang sa mababang kapasidad. Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng krisis ang pag-trip ng mga yunit ng EERI 1, 2, at 3, kasama ang Ilijan Block A at B. Hindi rin nakapagbigay ng suplay ang mga hydro plants sa Magat (Yunit 1, 2, 3, at 4).
Ang Yellow Alert ay opisyal na inilalabas kapag ang operating margin ay hindi sapat para matugunan ang contingency requirement ng transmission grid. Bagaman wala pang kagyat na banta ng blackout, seryosong paalala ito sa publiko na maging matipid sa paggamit ng kuryente upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon tungo sa Red Alert.
