Hinatulan ng Regional Trial Court Branch 94 sa Quezon City ang isang ina matapos mapatunayang nagkasala sa pagbebenta umano ng sariling anak online.
Ayon sa Department of Justice, napatunayan ang kasalanan ng akusada “guilty beyond reasonable doubt” sa paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Sa desisyon na may petsang Abril 14, kinilala rin ng korte ang boluntaryong pag-amin ng akusada sa mas mababang kaso na may pagsang-ayon ng prosekusyon at ng complainant.
Dahil dito, ipinataw ng hukuman ang parusang pagkakakulong mula apat na taon, siyam na buwan at labing-isang araw bilang minimum, hanggang anim na taon, walong buwan at isang araw bilang maximum.
Bukod dito, pinagbabayad din ang akusada ng multang labinlimang libong piso.
Inatasan din siyang magbayad ng tig-dadalawampung libong piso para sa moral, exemplary at temperate damages sa biktima na may anim na porsiyentong interes kada taon hanggang sa tuluyang mabayaran.
Ayon sa DOJ, patunay ang kasong ito ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata. (AR BERNARDO)
