Nagsagawa ng surprise inspection at random drug test ang LTO, DOTr, at PDEA sa mga bus terminal sa Cubao para sa 'Oplan Biyaheng Maayos: Undas 2026'. (ART TORRES)
Pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) ang inspeksyon sa mga terminal ng bus at sakayan ng taxi bago ang paggunita ng Undas.
Layunin nitong masugpo ang overcharging at ang pagbiyahe ng mga colorum na pampublikong sasakyan para matiyak ang kaligtasan ng mga biyaherong pupunta sa mga lalawigan.
Sa isang panayam LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na nagsimula ang kanilang mga inspeksyon noong nakaraang linggo at hindi lamang ito nakatutok sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
“Ang dami na rin naming nahuhuli kasi syempre yung mga pinagbabawal na tinataasan yung mga presyo; over charging nilang ginagawa,” pahayag ni Lacanilao. “Hinuhuli namin yan at hindi lang sa lahat yung mga colorum,” dagdag pa niya.
Aniya, pinaghahandaan na ng ahensya ang dagsa ng mga biyaherong uuwi sa mga lalawigan sa Region I, Visayas, at Mindanao para sa Araw ng mga Patay.
Inihayag din ni Lacanilao na nakikipag-ugnayan ang LTO sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para suriin ang mga special permit ng mga bus at iba pang sasakyang pinapayagahang bumiyahe ngayong Undas.
Nagbibigay ang LTFRB ng kopya ng mga permit sa LTO upang ma-verify ng mga inspector kung peke ang mga ito, at sinumang mahuhuling gumagamit ng pekeng dokumento ay pwedeng ma-impound ang sasakyan.
Nagmala rin ang opisyal laban sa mga nagpapasada ng illegal public transport services sa ilalim ng disguised carpooling. Iginiit niya na magkaiba ang pag-aambagan sa gasolina ng magkakaibigan o magkakasama sa trabaho sa paniningil ng pamasahe bawat pasahero.
“Yung maniningil ka na tapos ulo-ulo, babyahe ka, colorum na yun. Mabigat po ang penalty nyan,” babala ni Lacanilao.
Ayon sa kanya, nagkakahalaga ng P200,000 ang multa sa mga ilegal na van, samantalang P120,000 naman para sa mga sedan.
Inamin ni Lacanilao na may ilang driver na gustong tumulong lang sa mga biyahero, ngunit binigyang-diin niya na ang paniningil ng pamasahe nang walang permit ay may kaukulang mabigat na parusa.
Pinag-iingat din niya ang mga pasahero dahil walang seguridad o proteksyon ang mga ito sakaling magkaroon ng aksidente habang nakasakay sa colorum na sasakyan.
Madali ring matutukoy ng mga LTO personnel sa checkpoints kung ang isang sasakyan ay kumukuha ng nagbabayad na pasahero o sadyang nag-aambagan lamang sa biyahe.
Walang problema kung totoong carpooling ng magkakaibigan ang ginagawa, ngunit kapag nagpapasakay na ng mga taong nagbabayad at nagbababa sa iba’t ibang lugar, itinuturing na itong isang ilegal na serbisyo sa transportasyon.
