Nabasag ng Bureau of Immigration (BI) ang pagtatangka ng tatlong lalaking Pilipino na lumabas ng bansa matapos mahuli sa Davao International Airport noong Oktubre 17, 2026. Ang tatlo ay ni-recruit diumano upang magtrabaho bilang mga sundalo at border guard sa Eastern Europe.
Inireport ng BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) kay Commissioner Joel Anthony M. Viado ang insidente matapos lumabas sa pagsusuri na hindi tumutugma ang ipinahayag nilang dahilan ng pagbiyahe sa kanilang totoong destinasyon at nakatakdang trabaho.
Ang naturang interception ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan, sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na protektahan ang mga Pilipino laban sa illegal recruitment at human trafficking.
Sa unang pagsisiyasat, ikinatwiran ng tatlong lalaki, na kinilala sa mga alias na “Johnny” (25), “Berting” (51), at “Tappy” (50), na pupunta sila sa Thailand upang lumahok at mag-coach sa isang Muay Thai tournament. Subalit sa mas malalim na pagtatanong, inamin nilang patungo talaga sila sa Eastern Europe kung saan pinangakuan sila ng suweldo na P200,000 bawat buwan bilang mga sundalo o border guard.
Ayon sa salaysay ng mga biktima, ang dalawang indibidwal na kinilalang sina “Alexander” at “Oleg” ang nag-sponsor ng kanilang travel expenses at nag-ayos ng recruitment. N
abatid na nakilala nila ang mga recruiter sa pamamagitan ng Facebook at Telegram, at ipinangako sa kanila na ibibigay ang kanilang European electronic visas kapag nasa Thailand na sila.
Isiniwalat din ng isa sa mga lalaki na noong Oktubre 13 ay inutusan muna silang dumaan sa “backdoor” route sa Zamboanga, ngunit kalaunan ay pinalitan ang plano at ginawang air travel mula Davao.
Agad na itinurn-over ang tatlo sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa Davao International Airport para sa karagdagang imbestigasyon ukol sa proseso ng kanilang recruitment at target na trabaho sa abroad.
Nagpaalala naman si Commissioner Viado sa publiko na maging maingat at magmatyag sa pagtanggap ng mga job offer sa ibang bansa, lalo na kung may kaduda-dudang travel arrangements o high-risk positions.
“Filipinos must be cautious of recruiters who promise high salaries but provide unclear employment arrangements or questionable travel plans. Before accepting any overseas job offer, they should verify the legitimacy of the employer and recruitment agency with the Department of Migrant Workers. We will continue working with our partner agencies to help prevent illegal recruitment and protect Filipinos from possible exploitation,” pahayag ni Viado.
Muling pinagtibay ng BI ang kanilang komitment na palakasin ang border inspections at pakikipagtulungan sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan upang mapigilan ang ilegal na recruitment at protektahan ang mga Pilipino laban sa pang-aabuso.
