Pinangunahan nina LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza at Atty. Greg Pua Jr. ang isang public consultation na ginanap sa LTO Headquarters sa Quezon City, kung saan tinalakay ang iba’t ibang inisyatiba ng ahensya para sa modernisasyon ng mga serbisyo. Kabilang sa mga agenda ang Motor Vehicle Inspection gamit ang Automated System, Online Motor Vehicle Registration, Demerit System, Online License Renewal, at ang Bantay Ruta program. (Kuha ni ART TORRES)
Magkakaroon ng dry run sa mga susunod na linggo para subukan ang implementasyon ng online motor vehicle registration at driver’s license renewal ng Land Transportation Office (LTO), ayon kay Assistant Secretary Vigor Mendoza.
Sa isang public consultation kasama ang mga transport group nitong Miyerkules, ipinaliwanag ni Mendoza ang hakbang ng ahensya para imodernisa ang sistema at tuluyang wakasan ang operasyon ng mga fixer.
“Gusto namin simulan ’to para mapadali ang buhay niyo sa LTO at masugpo natin ang walang kamatayang mga fixer sa paligid ng LTO,” ani Mendoza.
Tiniyak din niya na tutulungan ng ahensya ang mga tsuper at operator sa paggamit ng online system, kabilang ang pagsasagawa ng mga orientation session para dito.
Bukod sa digital services, ilulunsad din ng LTO ang enhanced motor vehicle inspection process.
“Lahat po ng light vehicles… kailangan dumaan sa motor vehicle inspection. Ang ifo-focus d’yan, brakes at speedometer,” paliwanag ng opisyal.
Para sa mga lugar na walang Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs), ang mga district offices ng LTO ang gagawa ng inspeksyon. Samantala, para sa mga truck at bus, planong gamitin ng ahensya ang mobile inspection facilities na maaaring bumisita mismo sa mga garahe.
“Gagamit po tayo ng tablet, hindi na papel. Makikita agad ang larawan ng sasakyan bilang patunay na ito’y nainspeksyon—para maiwasan, kung hindi man tuluyang mapuksa, ang issue ng no-show,” dagdag pa ni Mendoza.
Ipinresenta rin ni Mendoza ang Bantay Ruta Initiative, isang kooperasyon ng gobyerno at pribadong sektor para mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa kalsada at mapaayos ang pamamahala sa pampublikong transportasyon.
“Bago simulan ang programa, dapat malinaw muna ang mga ruta at tungkulin ng mga enforcer at operator,” paliwanag niya.
