Naglunsad ng “Bayanihan sa Barangay” ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Tangos National High School sa pangunguna ni MMDA Chairman Atty. Don Artes at Navotas City Mayor John Rey Tiangco, kasama ang iba pang mga opisyal, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Navotas. Kasunod nito, ininspeksyon ni Tiangco at Artes ang Navigational Gate na muling natamaan na naman ng isang barko. (JUVY LUCERO)
PERSONAL na nagsagawa nang pag-inspeksyon sina Navotas City Mayor John Rey Tiangco at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes sa Navotas Navigational Gate nang magkaroon ng pinsala ang bahagi nito makaraang bumangga ang isang barko na F/V Monalinda 98, Martes ng madaling-araw.
Ayon kay Chairman Artes, nananatili namang operational ang floodgate ngunit kasalukuyang nagsasagawa ng assessment para matukoy ang lawak ng pinsala sa pangkalahatang istraktura.
Sa preliminary inspection, ang itaas na bahagi ng Navigational Gate ay nagkaroon ng pagkasira dahil sa insidente.
Bubuo naman ng isang technical working group para suriin ang mga kasalukuyang navigation at safety protocols.
Pinag-aaralan na rin ng ahensya ang posibilidad na magdagdag ng isa pang gate para magsilbing back-up.
Sinabi naman ni Mayor Tiangco na nakipagpulong na sila sa mga may-ari ng barko na sangkot sa insidente at hihilingin sa mga ito na magsumite ng written explanation.
Ayon sa alkalde, patuloy din silang naka-monitor at nakikipag-ugnayan ni Cong. Toby Tiangco tungkol sa insidente.
Tiniyak naman ni Chairman Artes at Mayor Tiangco na walang dapat ikabahala ang mga residente at tuloy-tuloy ang gagawing pagsusuri at pagkumpuni dito, kung kailangan.
Ang floodgate ng Navotas ay nagsisilbing barrier na pumipigil sa pagpasok ng tubig mula sa Manila Bay na dumaloy sa mga ilog ng Navotas at Malabon, para hindi na ito magdulot ng pagbaha tuwing high-tide at may malakas na ulan. (JUVY LUCERO)
