Hinikayat ng Land Transportation Office (LTO) ang publiko na samantalahin ang online renewal ng driver’s license, kasabay ng pinaigting na kampanya sa ilalim ng direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.
Ang hakbang ay tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa digital transformation sa mga transaksyon sa pamahalaan upang mapabilis at mapagaan ang serbisyo sa mga mamamayang Pilipino.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan na niya ang lahat ng Regional Directors na paigtingin ang mga kampanya sa tradisyunal at social media upang maipabatid sa publiko ang benepisyo ng online renewal.
“Sa pamamagitan ng digital platform na ito, makakatipid ng oras, pagod, at pera ang ating mga kababayan—lalo na ang mga abalang manggagawa—dahil hindi na nila kailangang pumunta sa LTO offices para mag-renew ng kanilang lisensya,” pahayag ni Asec. Mendoza.
Dagdag pa niya, isa rin itong mabisang paraan laban sa fixers at katiwalian dahil nababawasan ang human intervention sa proseso.
Ipinagmamalaki rin ng LTO na nationwide na ang pagpapatupad ng online driver’s license renewal. Noong nakaraang taon, ipinakita na ito sa mga Filipino sa Taiwan at kamakailan ay sa Osaka, Japan. Libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) ang napagsilbihan sa mga international launches na ito.
Nakatakda ring ilunsad ang serbisyo sa mga bansa sa Gitnang Silangan, Europa, at Hilagang Amerika, bilang bahagi ng layunin ng LTO na maabot ang mas maraming OFWs.
“Malayo na ang narating ng LTO sa pagbibigay ng mabilis at maayos na serbisyo. Mula sa driver’s license hanggang vehicle registration, patuloy ang aming paghahanap ng paraan upang mapagaan ang karanasan ng bawat kliyente,” ani Mendoza.
Ang online renewal ng lisensya ay isa rin sa mga nabanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA), at maaari na ring ma-access sa pamamagitan ng eGov app.
