
Isinagawa ngayong Miyerkules ang 3rd BPI Cyberprotect Conference sa Makati Shangri-La Hotel sa ilalim ng temang “Global Best Practices in Consumer Protection: New Threats, New Defenses”. Dinaluhan ito ng mga pangunahing personalidad mula sa gobyerno at pribadong sektor, na nagtipon upang talakayin ang mga bago at umuusbong na banta sa digital security at kung paano mapapalakas ang proteksyon ng mga mamimili.
Sa kanyang pambungad na pahayag, binigyang-diin ni TG Limcaoco, Pangulo at CEO ng Bank of the Philippine Islands (BPI), ang kahalagahan ng pagiging maagap at bukas sa mga leksiyon mula sa internasyonal na komunidad sa larangan ng cybersecurity.
“We must be proactive and adaptive, learning not just from our own experiences but from the entire global community,” ani Limcaoco. “At BPI, we don’t take this responsibility lightly.”
Ipinarating naman ni Maria Elena Toribio ang mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kung saan pinuri ng Pangulo ang BPI sa pagkakaroon ng matibay na ugnayan sa publiko simula pa noong 1851, at sinabing “I wish you a delightful and fruitful event.”
Nagpahayag din si Senador Mark Villar, na binigyang-diin ang kahalagahan ng cybersecurity sa panahon ng digital transformation. Aniya, hindi maaaring iasa sa mga kustomer ang pagiging eksperto sa cyber defense. Binigyang-diin rin niya ang pangangailangan ng agile and adaptive policies, at pinuri ang E-Commerce Bureau ng DTI sa pagtutok sa mga panloloko sa digital commerce.
“Let us make this conference a catalyst of change,” ani Villar.
Sa kanyang video message, sinabi ni DICT Secretary Henry Aguda na lumalagpas na sa simpleng usapin ang cybersecurity, at ito ay isa nang pambansang banta. Inilahad din niya ang 2025–2030 National Cybersecurity Protection Plan at panawagan na i-harmonize ang buong digital ecosystem ng bansa.
Sa talakayan naman ukol sa mga estratehiyang lokal at pandaigdig, sinabi ni BSP Deputy Governor Elmore Capule na bagaman may mga bagong batas tulad ng Anti-Financial Account Scamming Act, marami pa ring hadlang gaya ng Bank Secrecy Law na nakakaapekto sa imbestigasyon ng mga account na sangkot sa panloloko. Kabilang sa kanyang mungkahi ang kriminalisasyon ng money muling, social engineering, at economic sabotage.
Isinulong rin ni Rep. Brian Poe Llamanzares, Chairman ng Global AI Council Philippines Inc., ang pagbibigay ng legal at institusyonal na balangkas para sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa bansa. Aniya, mahalaga ang papel ng AI sa pagtugon sa mga phishing, scam calls, at account takeovers, lalo na sa panahon kung saan higit 8.7 milyon na ang gumagamit ng digital banking platforms sa bansa.
Mula naman sa akademya, ibinahagi ni Prof. Philip Kwa ng Asian Institute of Management ang mga karanasan ng Singapore sa pagharap sa mga scam. Ayon sa kanya, maraming kabataang edad 19 pababa ang nabibiktima ng e-commerce, phishing, at investment scams. Binanggit rin niya ang “ScamShield” at mga bagong batas sa Singapore tulad ng Protection from Scams Act na maaaring maging inspirasyon ng Pilipinas sa pagtibay ng consumer protection framework.
Sa pagtatapos ng kumperensiya, nanawagan ang mga tagapagsalita na gawing konkretong hakbang ang mga diskusyong ito—mula sa shared responsibility ng gobyerno, pribadong sektor, at mamamayan, hanggang sa mas matalinong paggamit ng teknolohiya para sa ligtas at episyenteng digital ecosystem.
