Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nasa huling yugto na sila ng pag-review sa lahat ng applications para sa special permits ng mga pampasaherong bus, bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng mga biyahero ngayong Christmas at New Year holidays.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ang masusing pagsusuri ay nakatuon sa pagtiyak na tanging mga bus na pasado sa roadworthiness inspections ang papayagang bumiyahe, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.
“Hindi bale nang sumobra ang mga bus na mabigyan ng special permit kaysa kulang. Kawawa ang mga kababayan natin na nai-stranded sa terminals,” ani Mendoza, sabay-diin na inaasahan na nilang dadagsa ang mga uuwi sa probinsya at ang mga magbabakasyon sa Metro Manila at iba pang lungsod.
Bagama’t target ng LTFRB na magdagdag ng mas maraming units para maserbisyuhan ang publiko, tiniyak ni Mendoza na hindi ito magiging kapalit ng kaligtasan.
“Hindi na puwede yung basta’t may special permit ay pwede nang bumiyahe. Safety and comfort ng pasahero ang laging numero uno,” giit niya.
Nagtapos ang filing ng applications noong Nobyembre 10–21, na umabot sa 1,413 units para sa 116 routes nationwide. Mas mataas ito kumpara sa 1,003 applications noong 2024 at 1,174 noong 2023, na indikasyon umano ng mas malaking bilang ng biyahero ngayong taon.
Sasaklawin ng special permits ang panahon mula Disyembre 15, 2025 hanggang Enero 16, 2026.
Tiniyak ng LTFRB na mas paiigtingin pa nila ang koordinasyon sa iba pang ahensya ng pamahalaan para tiyaking maayos ang biyahe mula bus terminals hanggang kalsada.
“Hindi natatapos sa terminal ang monitoring. Kailangan bantayan din ang mga kalsada sa tulong ng PNP at LGUs,” ayon kay Mendoza.
Dagdag pa niya, makakaasa ang publiko na gagawin ng LTFRB ang lahat para masiguro ang ligtas at maayos na pag-uwi ng mga biyahero. (Mina Paderna)
