SINILIP ng Commission on Audit (COA) ang Office of the President (OP) matapos madiskubreng nabigo itong kolektahin ang kabuuang P14.4 milyon na overdue receivables mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa mga foreign trip mula 2022 hanggang 2024.
Batay sa annual audit report na inilabas nitong Lunes, sinabi ng COA na ang halagang ito—na dapat ay ibinayad ng Department of Foreign Affairs (DFA), House of Representatives, Senate, at Presidential Management Staff (PMS)—ay unang sinagot ng OP, kabilang na ang P11.95-M para sa hotel accommodations at P2.4-M para sa airfare.
Sakop ng gastos ang official trips sa United States, China, Japan, Europe, at iba pang bansa mula Setyembre 2022 hanggang Mayo 2024.
Ayon sa COA, ang patuloy na pagkaantala sa pagbabayad ay “nagpapahina sa pondo ng OP na orihinal na nakalaan para sa kanilang operasyon,” na posibleng makaapekto sa implementasyon ng kanilang mga programa at proyekto. Dagdag pa, tumataas din umano ang panganib na hindi na makolekta ang mga utang.
Sa kabuuang P14.4 milyon, tinukoy ng COA na 52% o P7.47 milyon ang overdue nang mahigit dalawang taon, habang 45% o P6.46 milyon ay nakaantala nang isa hanggang dalawang taon.
Ipinunto rin ng ahensya na wala umanong prior agreements ang OP at mga kasamang ahensya tungkol sa arrangements sa pamasahe at iba pang travel expenses, lalo na sa mga chartered flights, dahilan kung bakit nagiging mahirap ang koleksyon.
Pagkatanggap ng hotel at airfare invoices mula sa mga kumpanya, agad umanong ipinapasa ng OP ang billing sa mga kaukulang ahensya. Ngunit tinukoy ng COA na walang follow-up demand na ginagawa kahit lampas na sa due date ang mga ito.
Giit ng COA, kailangan pang paigtingin ng OP ang monitoring at collection mechanism upang masigurong mababawi ang gastusin mula sa debtor agencies, alinsunod sa COA Circular No. 2016-005, na nag-aatas ng regular na pagsusuri at pagsingil sa receivable accounts.
Sa harap ng mga hindi pa nababayarang utang, humirit ang OP ng P1.054-bilyong travel budget para sa 2025, mas mababa ng P94 milyon kumpara sa 2024 allocation na P1.148 bilyon.
Noong 2023, umabot sa P893.87 milyon ang hiningi ng OP para sa foreign travel, na iginiit ng mga opisyal na nagresulta umano sa malaking investments at trade deals para sa bansa mula sa biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (Mina Paderna)
