Sa isang mahalagang hakbang laban sa matagal nang suliranin ng penal congestion sa bansa, nilagdaan ngayong araw ng Bureau of Corrections (BuCor) at Integrated Bar of the Philippines – Quezon City Chapter (IBP QC) ang isang Memorandum of Agreement (MOA) na layong pabilisin at pagandahin ang proseso para sa Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Pinangunahan nina BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. at IBP QC President Atty. Rowell D. Ilagan ang paglagda sa MOA sa isang simpleng seremonya sa Old Hall of Justice Building sa Quezon City, patunay ng kanilang iisang hangaring mapaunlad ang justice system at mapabuti ang kalagayan ng mga nakakulong.
Ayon kay Catapang, ang bagong partnership ay nakahanay sa mas malawak na inisyatibo nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng Supreme Court na tugunan ang lumalalang problema ng overcrowding sa mga kulungan, isang isyung itinampok sa National Decongestion Summit kamakailan.
Layon ng programa na mapahusay ang pagkalkula ng sintensiyang naisilbi, pagproseso ng release documents, at pagbibigay ng access sa alternative modes of release para sa mga kwalipikadong PDLs.
Sa tulong ng IBP QC, na may higit sa 13,000 miyembrong legal professionals, aasahan ang dagdag na manpower at expertise upang suportahan ang BuCor sa mga kinakailangang legal at documentary processing.
Sentro ng inisyatibang ito ang Penal Facilities Decongestion Program ng IBP QC, na layong labanan ang talamak na siksikan sa mga kulungan sa pamamagitan ng legal assistance, dokumentasyon, at mabilis na case evaluation para sa mga PDLs.
Binigyang-diin ng dalawang organisasyon na ang bagong MOA ay hindi lamang tungkol sa papeles, ito ay simbolo ng kanilang paninindigan na protektahan ang karapatan, dignidad, at kapakanan ng bawat PDL.
Umaasa ang BuCor at IBP QC na ang partnership ay magsisilbing mahalagang hakbang para sa makabuluhang reporma, mas mabilis na access sa hustisya, at tuluyang pagluwag ng mga piitan sa bansa. (Mina Paderna)
