May 18, 2024

Lolo at 2 pa, naaktuhang pinaghahambing ang hawak na sachets ng shabu

Bagsak sa kulungan ang tatlong hinihinalang drug personalities, kabilang ang 60-anyos na lola at isang bebot matapos maaktuhan ng mga pulis na abala umano sa paghahambing ng hawak na mga sachets ng shabu sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Angela Rejano ang naarestong mga suspek na si Santiago Valera, 60, Jerryvie Urcia, 27, kapwa tricycle driver, at Stephanie Aubrey Dela Cruz, 23, assistant cock at pawang ng Liwayway St. Brgy. Bayan Bayanan.

Sa imbestigasyon ni PSSg Kenneth Geronimo, dakong 6 ng gabi, nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Sub-Station 7 sa pangunguna ni PLT Nelson Sibayan sa Liwayway St. nang maaktuhan nila ang mga suspek na abala umano sa paghahambing ng mga hawak na sachets ng shabu.

Agad inaresto ng mga pulis ang mga suspek at narekober sa kanila ang tatlong plastic sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P7,480 ang halaga habang nakuha pa kay Urcia ang limang plastic sachets ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nasa P1,440 ang halaga.

Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.